
NI NOEL ABUEL
Iginiit ni Quezon City 5th District Rep. PM Vargas na napapanahon nang madagdagan ang sahod ng mga pampublikong guro kasabay ng pagdiriwang ng World Teachers’ Day sa Oktubre 5.
Sa House Bill 4070 na inihain ni Vargas, layon nito na ang minimum salary grade level ng mga public school teachers mula sa Salary Grade (SG) 11 ay tumatanggap ng P25,439 habang sa SG 19 ay P49,835.
Paliwanag ng kongresista, dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin ay nahihirapan na ang mga guro sa pamumuhay na naaapektuhan din ang kalidad ng edukasyon na ibibinigay ng mga ito sa kanilang mga mag-aaral.
“With the rising costs of living, many teachers still struggle with the financial limitations of their profession while maintaining the delivery of quality education to our students amid the pandemic,” sabi ni Vargas.
Ilang organisasyon na rin ng mga guro aniya ang matagal nang humihiling ng salary increase simula pa noong 18th Congress sa pagsasabing ang Republic Act No. 11466 o ang Salary Standardization Law of 2019 ay hindi sapat para maging maayos ang living conditions ng mga guro dahil na rin sa inflation at sa pandemya.
“We must recognize the dedication and guarantee the retention of competent teachers by ensuring that the remuneration due to them is commensurate to their work load,” ayon pa sa mambabatas.
Sa kasalukuyan, nasa 15 panukala na ang nakahain sa Kamara na humihiling ng dagdag sahod sa mga guro na nakasalang pa sa House Committee on Appropriations.
Ilan sa mga inihaing panukala ni Vargas, na miyembro ng Committee on Appropriations, ang ilang pro-teacher bills na naayon sa National Teachers Month celebration, kabilang ang Teaching Supplies Allowance Bill (HB 4072); Distant Public School Teachers Incentive Bill (HB 4073), Health Care for Teachers Bill (HB 4074); at Housing Program for Teachers Bill (HB 4075).
“This World Teachers Day, it is my hope that we recognize and justly compensate our noble teachers who shape the minds that shape the nation,” ani Vargas.
