
NI JOY MADELINE
Mahigit sa 200 micro-business owners ang nakatanggap ng P10,000 tulong pinansyal mula sa Department of Trade and Industry (DTI) na unang batch ng Pangkabuhayan para sa Pagbangon sa Ginhawa (PPG) Program beneficiaries sa Caloocan City.
Sa tulong ng City Economic and Investment Promotion Office (CEIPO), ang nasabing programa ay ginawa sa Bulwagang Katipunan sa Caloocan City Hall kung saan personal na tinanggap ng unang batch ng nasabing programa ang tulong pinansyal.
Magugunitang ang PPG program ay nagsimula noong 2020, kung saan ang mga benepisyaryo ay pawang mga micro-businesses na naapektuhan ng sunog o ng COVID-19 pandemic na hindi pa nakakatanggap ng anumang kahalintulad na tulong pinansyal sa iba pang ahensya ng pamahalaan.
“Sa pakikipagtulungan po natin sa DTI, namahagi po tayo ng P10,000.00, in a form of cash card, para sa mahigit 200 micro-business owners ng lungsod,” sabi ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan.
“Ito po ay unang batch pa lang ng mabibigyan ng tulong mula sa PPG Program ng DTI. Sila po’y lubos na naapektuhan ng pandemya o biktima ng sunog at nais silang tulungan ng ating pamahalaan na makabangon muli ang kanilang maliit na mga negosyo,” dagdag nito.
Aniya, bagama’t ang nasabing programa ay target na matulungan ang micro-business sector sa Caloocan, nais nitong mas maraming oportunidad pa sa ibang sektor ang dapat ding makinabang bilang bahagi ng recovery program ng pamahalaan.
“Sisikapin pa po natin na makatulong sa mas marami nating mga kababayan na maiahon ang kanilang kabuhayan. Hiniling din po natin sa DTI na madagdagan pa ang bilang ng mabibigyan ng tulong sa Caloocan,” ayon pa sa alkalde.
Pinasalamatan din ni Malapitan ang DTI sa patuloy nitong suporta sa recovery program at pagtitiyak na makikipagtulungan ang ito sa iba pang national agencies upang matulungan ang business sector ng lungsod.
“Nagpapasalamat po tayo sa DTI sa pag-alalay sa ating mga kababayan, sisikapin po nating makipagtulungan pa sa mas maraming ahensya nang mas marami pa tayong mabigyan ng tulong-pinansyal o pangkabuhayan,” ayon pa sa alkalde.