
NI NOEL ABUEL
Isinusulong ni Deputy Speaker at Las Pinas Rep. Camille Villar na bigyan ng mas maraming insentibo ang mga Filipino filmmakers na makakakuha ng parangal sa Oscars.
Sa inihaing House Resolution 451 ni Villar, sinabi nitong suportado nito ang pagkakaloob ng insentibo o pagbibigay ng tulong ng pamahalaan sa mga Filipino contenders na lalaban sa Best International Feature Film, na dating kilalang Best Foreign Language.
“There is a need to assess the overall situation of the Philippine cinema and movie industry, and if possible, create a seed fund or increase the allocation for the FDCP’s [Film Development Council of the Philippines] Oscars Assistance Program for the development and marketing campaigns of world-class Filipino films to be sent to the Academy,” sabi ni Villar na hiniling sa House Committee on Creative Industry and Performing Arts na tingnan ang kalagayan ng Philippine cinema upang mas marami pang pelikula ang magawa at mabuhay ang “renaissance and golden era.”
Ayon sa mambabatas, ang tulong sa mga filmmakers ay sasakop sa promotional materials na naglalayong bumoto ang mga miyembro ng Academy of Motion Pictures Arts and Sciences.
Tulad umano nito ang pagpapadala na pelikula ni Director Erik Matti na “On the Job: The Missing 8” bilang official entry bilang Best International Feature Film sa darating na 95th Oscar Awards.
Ang pelikula ay pinalabas sa 78th Venice International Film Festival noong Setyembre ng nakalipas na taon kung saan pinarangalan ang aktor na si John Arcilla bilang Best Actor sa ginampanan nito bilang Sisoy Salas kung saan tumanggap ng limang minutong standing ovation sa Venice.
Sinabi pa ni Villar na ang bansa ay maraming magagaling na creative people na maaaring gumawa ng mga world-class at naaayong pelikula na nanalo ng parangal sa iba’t ibang international film festivals tulad ng Berlin, Venice at Cannes.
Tumanggap din ng pagkilala ang ilang Filipino actors sa iba pang film festivals tulad ng Cairo, Locarno, Montreal, Tallin, Warsaw at International Documentary Film Festival Amsterdam in The Netherlands.
Ngunit sa kabila aniya nito, bigo pa rin ang Pilipinas na magwagi ng parangaln mula sa Academy Awards o sa Oscars.
“Securing a nomination, win or even a shortlist in the prestigious Oscars will put the Philippines on the map for world-class talents, thus potentially opening more employment and livelihood opportunities for Filipinos,” sabi ni Villar.
