
NI NERIO AGUAS
Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at ng Bureau of Customs (BoC) ang isang US national na nakuhanan ng mahigit sa P19 milyong halaga ng cocaine nang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Setyembre 27.
Kinilala ni BI Commissioner Commissioner Norman Tansingco ang nadakip na dayuhan na si Stephen Jozeph Szuhar, 75-anyos, na dumating sa bansa dakong alas-8:00 ng gabi mula sa Sao Paolo, Brazil sakay ng Qatar Airways flight.
Nabatid na nakatanggap ng impormasyon ang BI mula sa foreign counterparts hinggil sa pagdating sa bansa ng nasabing dayuhan kung saan agad na naglatag ng operasyon ang Anti-Terrorist Group at NAIA Drug Interdiction Task Group hanggang sa madakip si Szuhar.
“Our agents at the immigration arrival counters identified Szuhar. After which, agents of the task group monitored him as he collected his luggage and proceeded to the Customs area, where it was detected by canines to be containing illegal narcotics,” sabi ni Tansingco.
Nang isailalim sa inspeksyon ang dalang bagahe ng dayuhan ay dito nakita ang 3.7 kilo ng cocaine na may street value na P19.610 milyon.
Kasalukuyang nakadetine sa PDEA Custodial Jail Facility ang dayuhan habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o mas kilalang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
