
NI NOEL ABUEL
Hinimok ni Senador Alan Peter Cayetano na ayusin ang healthcare packages ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa gitna ng mataas na inflation na nagpapataas ng mga gastos sa pangangalagang pangkalusugan.
“Kung tatanungin ninyo kung may pagtaas sa presyo ng bigas o langis, masasagot kaagad. Kayo po magsabi, ‘yung fees sa laboratory or sa hospital, nagtaas na rin ba sila? We want to focus on zero billing kasi iyon talaga ang issue,” sabi ni Cayetano sa mga opisyal ng PhilHealth sa pagdinig ng Senate Committee on Government Corporations and Public Enterprise.
Aniya, kailangang ayusin ng PhilHealth ang No Balance Billing (NBB) Policy para ma-update ang kanilang packages sa mga kasalukuyang gastusing pangkalusugan.
“We are interested in zero billing. How do we address the issues kung passé na y’ung amount? Right now kasi napakalaki ng inflation,” aniya.
Taong 2012 nang umpisahan ng PhilHealth ang NBB, na kilala rin bilang zero billing, na nag-uutos na walang ibang sisingilin o babayaran ang mga miyembro para sa mga serbisyong pangkalusugan na ibinibigay ng mga pampublikong ospital o mga piling pribadong ospital na kinikilala ng PhilHealth.
Inumpisahan din noong 2012 ang All Case Rates (ACR) Policy ng PhilHealth, na tumutukoy sa halaga na ibinabalik nito sa mga miyembro para sa mga partikular na kaso o sakit.
Dahil isang dekada na ang lumipas mula nang ipatupad ang parehong mga patakaran, sinabi ni Cayetano na maaaring panahon na para ayusin ang packages na nito ng PhilHealth.
Maliban sa zero billing, nagpahayag din ng interes si Cayetano sa access at saklaw ng serbisyo ng PhilHealth.
“We’ll also be focusing on PhilHealth’s access and coverage kasi paano kung kumpleto at maganda [ang offered services] kung wala namang PhilHealth-accredited na hospital sa lugar? Forty percent of our barangays do not even have primary health centers. y’ung sa coverage naman, nabanggit na kanina y’ung sa PhilHealth Plus, check ups, et cetera,” aniya pa.
Tiniyak ni Cayetano sa mga opisyal ng PhilHealth na sa kabila ng mga pagkukulang nila na kailangang punan, hindi niya gustong ituro o sisihin ang mga ito.
