
NI MJ SULLIVAN
Niyanig ng magkasunod na paglindol ang lalawigan ng Palawan at Camarines Sur ngayong araw, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Ayon sa Phivolcs, dakong alas-4:16 ng madaling-araw nang tumama ang magnitude 4.6 na lindol sa bayan ng Cagayancillo, sa Palawan na may lalim na 040 km.
Nakita ang sentro ng lindol sa layong 035 km hilagang silangan ng nasabing lugar.
Tectonic ang origin ng lindol at wala namang naging malaking danyos ang nasabing paglindol.
Samantala, ganap namang alas-7:33 kaninang umaga nang maitala ang magnitude 3.5 na lindol sa Camarines Sur.
Ang sentro ng lindol ay nakita sa layong 019 km timog kanluran ng bayan ng Bato, Camarines Sur at may lalim na 013 km at tectonic ang origin.
Naramdaman ang intensity III sa Nabua, Camarines Sur habang sa instrumental intensity ay naitala ang intensity I sa Iriga City at Pili, Camarines Sur.