Recruitment ng National Sports Academy apektado bawas pondo ibinabala

Senador Win Gatchalian

NI NOEL ABUEL

Nagpahayag ng pagkabahala si Senador Win Gatchalian sa maaaring maging resulta sa recruitment ng National Academy of Sports (NAS) kung tuluyang matapyasan ang pondo nito ng mahigit sa P100k para sa operasyon nito.

Pinuna ng senador ang mas mababang pondo sa naging pagdinig ng Senate Committee on Finance sa panukalang 2023 budget ng Department of Education (DepEd) at mga attached agencies nito, kabilang ang NAS System na may layong hasain ang talento sa sports at kakayahan ng mga mag-aaral.

Nakasaad sa batas na ang mga mag-aaral na ito ay bibigyan ng pagsasanay gamit ang mga world class facilities.

“Alam kong pinagsisikapan ng NAS na hikayatin ang mas marami pang mga mag-aaral. Ngunit kung babawasan natin ang pondo nito, hindi natin mahihikayat ang mas maraming mag-aaral na pumasok dito, lalo na kung sila ay nasa mga probinsya,” ani Gatchalian.

Sa ilalim ng panukalang 2023 National Expenditure Program (NEP), P88,113,000 ang nakalaan para sa Sports-Integrated Secondary Education Program na mas mababa sa P104,471,000 kung ihahambing sa P192,584,000 nakalaan sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act (GAA).

Ayon kay NAS Executive Director Professor Josephine Reyes, ang mas mababang pondo sa Sports-Integrated Secondary Education Program ay makakaapekto sa pakikilahok ng mga mag-aaral sa mga sports competitions, mga scholarships, mga pagkain, nutritional supplements, at iba pang standard expenses na kinakailangan ng mga mag-aaral.

Si Gatchalian ang sponsor at isa sa mga may akda ng Republic Act No. 11470 na lumikha sa NAS System. Mandato sa NAS System na magpatupad ng dekalidad at enhanced secondary education program na may integrated special curriculum on sports. Magpapamahagi ang NAS System ng full scholarships sa mga natural-born Filipino citizens na may natatanging potensyal sa sports.

Layon din ng NAS curriculum na tulungan ang mga student-athletes na maging mahusay sa kanilang sports o napiling larangan.

Mandato rin ng batas ang pagpapatayo ng mga regional high schools na popondohan ng pambansang pamahalaan. Ito ay upang mahasa ang kakayahan ng mga batang mag-aaral sa ibang bahagi ng bansa.

Leave a comment