
NI NERIO AGUAS
Isinasaayos na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang konstruksyon ng bagong dalawang (2) palapag na Department of Justice (DOJ) building sa bayan ng Ballesteros, Cagayan.
Sa ulat na tinanggap ni DPWH Secretary Manuel M. Bonoan mula kay DPWH Region 2 Director Nomer Abel P. Canlas, ang nasabing pasilidad ay magsisilbing satellite office ng Cagayan Provincial Prosecution Office.
Dinisenyo na may kabuuang floor area na 1,750 square meters, ang satellite office ay maglalagay ng Cagayan Provincial Prosecution Office at magsisilbing workspace para sa mga prosecutors ng Department of Justice na naglilitis ng mga kaso mula sa mga bayan ng Abulug, Allacapan, Ballesteros, Lasam, at Pamplona at mga barangay sa Luna at Apayao.
“DPWH is glad to provide assistance to the Department of Justice in making legal services more accessible and convenient for northern towns of Cagayan,” sabi ni Canlas.
Ang nasabing proyekto ay may kabuuang P12-milyon na inilaan sa ilalim ng 2021 General Appropriations Act (GAA) para sa pagtatayo ng pasilidad na ipinatupad ng DPWH Cagayan Second District Engineering Office (DEO).
