
NI NOEL ABUEL
Nakatakda nang lagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa darating na Lunes, Oktubre 10, ang SIM Card Registration Act na naglalayong isulong ang pananagutan sa paggamit ng SIM cards at makatulong mga awtoridad upang madakip ang gumagawa ng krimen gamit ang telepono.
Sa ilalim ng nasabing panukala, ang lahat ng public telecommunications entities (PTE) o direct sellers ay oobligahin ang mga SIM card user na magpakita ng valid identification document na may larawan.
Anumang impormasyon sa pagpaparehistro ng SIM card registration ay ituturing na confidential hangga’t pinahihintulutan ng subscriber ang pag-access sa kanyang impormasyon.
Nakasaad din sa nasabing panukalang batas na inaatasan ang mga telco na ibulgar ang pangalan at tirahan na nakapaloob sa SIM card registration sa utos ng korte o sa pamamagitan ng subpoena.
Ang mga awtoridad naman ang magsasagawa ng pagsisiyasat sa iniulat na krimen gamit ang cell phone at maaari ring magsumite ng written request sa telco firms upang ibulgar ang mga detalye ng SIM card holder.
Ang desisyon ni Pangulong Marcos na aprubahan ang SIM Card Registration Act ay mahalaga upang mapalakas ang inisyatiba ng gobyerno laban sa scams na ginagawa gamit ang text at online messages, na naging laganap ngayong taon.
Una nang nagpahayag ng suporta ang Globe Telecom Inc. at Smart Communications Inc., sa SIM card registration at nangakong tutulungan ang pamahalaan na labanan ang krimen.
“We believe that once signed into law, SIM registration will take us a step ahead of fraudsters and help achieve our shared goal of eradicating scam and spam messaging,” sabi ni Globe Group general counsel Froilan Castelo.
Ayon naman kay Smart vice president at head of regulatory affairs Roy Ibay na tinitingnan na ng kaniang kumpanya ang mga pangunahing tampok sa panukalang batas na niratipikihan ng Senado at Kamara.
Sa bersyon ng Kamara, na ipinanukala ni Speaker Martin Romualdez, Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos at Tingog party list Rep Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre.
Habang sa Senado, sina Senador Juan Miguel Zubiri, Senador Grace Poe, Senador Win Gatchalian, Senador Joel Villanueva, Senador Ronald Dela Rosa, Senador Joseph Victor Ejercito, Senador Jinggoy Ejercito, Senador Cynthia Villar, Senador Nancy Binay, Senador Christopher Lawrence Go, Senador Francis Tolentino, Senador Imee Marcos, Senador Ramon Bong Revilla, Jr., at Senador Pia Cayetano.
Isasagawa ang ceremonial signing sa Ceremonial Hall sa Malacañang na dadaluhan ni Speaker Romualdez, Majority Floor Leader Rep. Manuel Jose M. Dalipe, Rep. Marcos, Romualdez, at Acidre, at Reps. Tobias Tiangco, Cheeno Miguel Almario, Roman T. Romulo, at Rex Gatchalian.
Ang mga opisyales mula sa Presidential Legislative Liaison Office na pinamumunuan ni Mark Llandro Mendoza ay dadalo rin sa seremonya gayyundin sina Reginald Velasco at David Robert Amorin, secretary general at deputy secretary general ng Kamara.