
NI NERIO AGUAS
Nakatakda nang ipatapon ng Bureau of Immigration (BI) sa South Koreo ang isang South Korean fugitive na wanted sa bansa nito sa kasong multi-million telecommunications fraud case.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco isinasaayos na lamang ang mga dokumento para maibalik sa South Korea si Lee Won Ho, 33-anyos, na kasalukuyang nakadetine sa BI jail sa Camp Bagong Diwa.
Sinabi ni Tansingco na agad na ipatatapon pabalik ng South Korea ang nasabing dayuhan at aawtomatikong ilalagay sa immigration blacklist ang pangalan nito upang hindi na makabalik pa ng Pilipinas.
“He is an undesirable alien whose presence here poses a serious risk to public interest. Thus, he should be perpetually barred from entering the Philippines,” sabi ni Tansingco.
Si Lee ay naaresto ng mga ahente ng BI’s fugitive search unit (FSU) noong Setyembre 21 sa tahanan nito sa BF Tahanan Village, Parañaque City sa bisa ng warrant of deportation na inilabas ng BI board of commissioners apat na taon na ang nakalilipas.
Ayon naman kay BI-FSU acting chief Rendell Ryan Sy, naglabas ng arrest warrant ang Incheon district court sa Seoul, Korea laban kay Lee dahil sa nasabing kaso at binawi na rin ang pasaporte nito ng Korean government.
Si Lee ay tinaguriang high-ranking member ng tinatawag na Minju Family, isang big-time telecom fraud syndicate na nag-o-operate sa Manila.
Sinabi ni Sy na ang naturang sindikato ay nakatangay ngUS$21 milyon mula sa mga naging biktimang Korean sa ibang bansa.
