MAGSASAKA party list may bagong kinatawan sa Kongreso

Si Rep. Robert Gerard Nazal Jr. habang nanunumpa bilang bagong kinatawan ng MAGSASAKA party list kay Judge Jose G. Paneda.

Ni NOEL ABUEL

Nanumpa bilang bagong kinatawan ng Magsasaka sa Sakahan, Kaunlaran (MAGSASAKA) party list si Rep. Robert Gerard Nazal Jr. matapos na iproklama ng Commission on Elections (Comelec).

Si  Nazal na nanumpa kay Judge Jose G. Paneda ng Quezon City Regional Trial Court Branch 220 noong Oktubre 10 kasabay ng pagpapalabas ng  Certificate of Proclamation ng Comelec na magpapatunay na nominee ng MAGSASAKA party list.

Kasunod nito agad na courtesy call si Nazal kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa Batasang Pambansa gayundin kina House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe at Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos.

Noong Mayo 26, idineklara ng Comelec ang MAGSASAKA bilang isa sa 55 nanalong party-list groups noong May 9, 2022 elections kung saan nakakuha ito ng 272,737 na boto, na nagbigay karapatan sa isang puwesto sa Kamara sa 19th Congress.

Umabot ng mahigit apat na buwan bago tuluyang maupo si Nazal dahil kinailangan ng Comelec na resolbahin ang internal na alitan sa pagitan ng MAGSASAKA national chair Soliman Villamin Jr. at ng paksyon na pinamumunuan ni Atty. Argel Joseph Cabatbat, ang dating kinatawan ng grupo sa Kongreso.

Kamakailan ay naglabas ang Comelec ng Certificate of Finality and Entry of Judgment kung saan idineklara ng poll body bilang “final and executory” ang kanilang desisyon na pabor kay Villamin Jr.

Matatandaan na noong Setyembre 9, pinagtibay ng Comelec en banc ang resolusyon noong Nob. 25, 2021 ng first division na nagbabasura sa mga petisyon para tanggihan ang takdang panahon sa Manifestation of Intent to Participate (MIP) sa May 2022 elections na isinumite ni Villamin Jr.

Nakasaad sa Section 13(a), Rule 18 ng 1993 Comelec Rules of Procedure na ang resolusyon ng en banc sa special proceedings ay magiging final and executory matapos ang 30 araw mula sa promulgation.

“Now therefore, in view of the foregoing, the Resolution of the Commission (En Banc) promulgated on 09 September 2022 is hereby declared FINAL and EXECUTORY under the COMELEC Rules of Procedure,” sabi ng en banc.

Sa resolusyon nitong Setyembre 9, kinatigan ng Comelec en banc ang naunang desisyon ng unang dibisyon nito na kumikilala sa MIP ng paksyon ng Villamin Jr., na naglalaman  ng MAGSASAKA nominees na iba sa isinumite ng grupo ni Cabatbat.

“We therefore affirm the Resolution of the Commission that [Villamin], as the National Chairman of MAGSASAKA Party-List, is duly authorized to file on his behalf the Manifestation of Intent to Participate in the Party-List System of Representation for the 2022 National and Local Elections,” ayon pa sa en banc resolution na nilagdaan ni Comelec Chairman George Erwin Garcia at nina Commissioners Socorro Inting, Marlon Casquejo, Aimee Ferolino at Rey Bulay.

Sa talaan ng Comelec, si Nazal ang orihinal na ikatlong nominado ng MAGSASAKA, pagkatapos nina King Cortez at Villamin Jr. kung saan nagretiro at nagbitiw ang mga ito dahilan upang natural na lamang si Nazal bilang first nominee na kinilala ng  Comelec en banc.

Leave a comment