
Ni NOEL ABUEL
Tiwala pa rin ang ilang kongresista sa integridad ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla kasunod ng balita na nadakip ang panganay na anak nito ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang anti-illegal drugs operation sa Las Piñas City.
Sinabi ni Aklan 2nd District Rep. Teodorico Haresco Jr., na naniniwala ito sa galing at integridad ni Remulla na halos 30 taon nang kilala.
“I have known Secretary Boying for over three decades professionally and personally, and I can vouch for his exemplary integrity and utmost dignity,” ani Haresco.
Aniya, mula noon ay sinabi ni Remulla na hindi ito, sa anumang paraan, makikialam o maimpluwensyahan ang kaso ng kanyang anak, at nangakong igagalang sa sistema ng hustisya.
Ginagarantiyahan ni Haresco na gagawa ng hands-off policy si Remulla sa kaso ng kanyang 38-anyos na anak na si Juanito Jose Diaz Remulla III, na nakatanggap umano ng parsel na naglalaman ng humigit-kumulang 1 kilo ng kush (hybrid marijuana) sa isang bahay sa BF Resort Village.
“Walang kamag-anak , kaibigan o kapatid when it comes to his highest standards of professionalism. Boying always puts country and service to people first,” sabi ni Haresco.
Inaasahan din ng beteranong mambabatas na ang insidente ay “tila isang Netflix telenovela episode”, at posibleng “set-up” mula sa mga sindikato ng iligal na droga na gustong maghiganti sa DOJ para sa matagumpay nitong kampanya laban sa droga.
“This incident reeks of a set-up from those who seek to besmirch the consequential legacy of Secretary Remulla in public service. This just goes to show how desperate these illegal drug syndicates are,” ayon sa mambabatas.
Nangyari ang insidente habang nasa labas ng bansa si Remulla para pamunuan ang delegasyon ng Pilipinas sa 51st United Nations Human Rights Council (UNHRC) Enhance Interactive Dialogue and Bilateral Meetings at sa Constructive Dialogue/Revalida ng Estado kasama ang Human Rights Committee on the International Covenant on Civil and Political Rights sa Geneva, Switzerland mula Oktubre 4 hanggang 14.
“I am assured that Secretary Remulla, being an honorable man that even President Bongbong Marcos trusts, will stand firm by his principles and continue to serve the Filipino people with integrity amidst this difficult period of time. Justice will prevail,” dagdag pa ni Haresco.