Public service muna tayo!

Pwede bang maging hepe ng barangay tanod ang hindi nakatira sa kanilang barangay?

Bigyan-daan natin ang katanungan ng isa nating reader kung puwede raw bang maging hepe ng kanilang barangay tanod ang hindi naman nakatira sa kanilang barangay.

Bago ko ibigay ang pangalan ni Chief Tanod, gusto ko muna linawin na magandang pagkakataon na rin ang artikulong ito upang mabigyan-linaw ang isyung bumabalot sa kanilang barangay.

Ito’y upang maalis ang agam-agam na mayroong hindi magandang pamamalakad na nangyayari ngayon sa Bgy. Perez sa Meycauayan, Bulacan.

 Isa rin kasi ito sa nakikitang dahilan kung bakit ‘poor performance’ ang sumbong ng mga residente sa Bgy. Perez laban sa namamahala ng kanilang barangay.

 Kaya raw patuloy na lumalala ang insidente ng nakawan at ‘akyat bahay’ sa naturang komunidad dahil ultimo ang hepe ng kanilang barangay tanod na si Chief Hernan Berciles ay hindi naman daw umuuwi sa kanilang lugar.

 Ayon sa sumbong, si Chief Hernan ay nakatira sa Bgy. Camalig at hindi sa Bgy. Perez.

 Madaling ma-address ang isyung ito kung sasagot ng sinsero si Chief Hernan nang diretsehan.

 Oo at hindi lamang naman ang sagot dito.

 Napapanahong pag-usapan ang ganitong uri ng reklamo.

 Lalo’t hindi na matutuloy ang barangay at SK elections na dapat sana’y gaganapin sa darating na December 5, 2022.

 Pinirmahan kamakailan ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ang Republic Act No. 11462 para sa pagpapaliban ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na gaganapin na lang sa huling Lunes ng October (30) 2023.

Kaya gusto na ng ilan nating kababayan na magkaroon ng halalan para mapalitan na ang mga barangay officials na kung ituring ay mga NPA o ‘non performing asset’ ng pamahalaan.

 Hindi ko sinasabing ‘NPA’ si Chairman Harold Anonuevo ng Bgy. Perez.

 Pero ang sumbong kasi laban sa kanya ay ang sinasabing malalang nakawan sa Bgy. Perez.

 Kaya  pati si Lt. Col. Jordan Santiago, acting chief of police ng Meycauayan PNP ay gusto na rin nilang ‘kalampagin’ para gumawa ng agarang aksiyon.

Harinawa’y sa artikulong ito ay magkaroon sila ng mabilisang aksiyon at tugon.

 Base sa natanggap nating sumbong, limang magkakaibang pamilya ang nabiktima ng akyat-bahay gang sa naturang barangay.

Partikular na paboritong pasadahan ng mga kawatan ay ang Las Villas de Sto. Nino Subdivision dahil limang bahay ang ninakawan kamakailan sa Phase 3D.

 Ang pinakahuling report ay sa Phase 4 ng subdivision.

 Karamihan sa mga residente sa Bgy. Perez ay wala nang ‘peace of mind’ sa takot na baka naman sila ang pasukin ng masasamang loob.

 Reklamo ng mga residente ay hindi ganito dati karami ang insidente ng nakawan. Lalo na noong panahon ng panunungkulan ni dating Bgy. Captain Anthony Camacam.

 Kasi raw, ayon sa mga nagsusumbong, masipag at regular ang ginagawang pagroronda ng mga barangay tanod noon.

 Wala na si Kap. Anthony dahil namayapa ito kamakailan lang nang atakihin sa puso sa isang ‘family outing.’

 Hinahanap nila ang magaling na liderato ni Kap Anthony na sana kung hindi man higitan ni Kap Harold ay kahit pantayan man lang niya.

 Isa pa sa reklamo ay ang bagong Toyota Hi Lux na sasakyan ng barangay ay ginagamit daw sa personal na lakad nina Kap Harold at Chief Hernan na sana uli ay hindi totoo.

May isyu rin ng tong collection sa palengke na alam ko ay sasabog din sa mga darating na araw.

Bukas po tayo sa anumang sagot ng mga butihing barangay officials.

Leave a comment