
NI NOEL ABUEL
Nanawagan si Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel sa Kongreso na magbigay ng mas malaking pondo sa Witness Protection, Security and Benefit Program (WPSBP) ng Department of Justice (DOJ) sa gitna ng sunud-sunod na marahas na krimen kabilang ang pagpatay sa veteran radio commentator na si Percival Mabasa o mas kilalang Percy Lapid.
“The WPSBP seems to be working well. But we have to support the program with greater funding so it can extend highly improved financial, relocation, and livelihood assistance to witnesses,” sabi ni Pimentel, vice chairperson ng House good government and public accountability committee.
Aniya, sa pamamagitan nito ay mas marami umanong testigo ang lulutang at makikipagtulungan sa pagsisiyasat ng mga awtoridad at paglilitis ng hukuman para malutas ang isang krimen.
“This way, we can encourage more witnesses to cooperate in law enforcement investigations and judicial proceedings without fearing not only reprisals, but also without fearing economic dislocation,” ayon na mambabatas.
“We also want the WPSBP to establish additional safehouses to accommodate witnesses, and if necessary, to allow them to stay together with their families,” dagdag pa ni Pimentel na nagsabing sa kasalukuyan ay mayroon lamang na 48 hideouts sa buong bansa.
Una nang sinabi ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla na suportado nito ang pagsasailalim sa WPSBP si Joel Escorial, ang self-confessed gunman sa pagpatay kay Mabasa.
“Kung talagang ‘yun lang ang paraan para matapos natin ang kaso, possible po ‘yan,” ani Remulla sa isang panayam sa radyo.
Sa kasalukuyan, ang WPSBP ay mayroon lamang pondo na P238 milyon para sa 2023 General Appropriations Act.
Sinabi pa ng kongresista na kabuuang 512 witness ang sakop ng programa sa pagtatapos ng 2021, mula sa 490 sa huling buwan ng 2020.
Ayon pa sa mambabatas marami nang naging testigo ang nakatulong sa prosekusyon para malutas ang mga malalaking krimen tulad ng kidnapping at pagpatay sa South Korean businessman na si Jee Ick-Joo; ang hazing death ng University of Santo Tomas law student na si Horacio Castillo; ang Maguindanao massacre; at ang pagpatay sa binatilyong sina Kian delos Santos, Carl Arnaiz at Reynaldo de Guzman na pawang naging biktima ng war on drugs noong nakaraang administrasyon.