
Ni NERIO AGUAS
Nakatakdang maging punong-abala ang Pilipinas sa gaganaping ika-27 ASEAN Labor Ministers’ Meeting (ALMM) at iba pang pagpupulong na may kinalaman dito, sa Maynila ngayong Linggo.
Ayon kay Labor Secretary Bienvenido E. Laguesma inaasahang dadalo sa mga pagpupulong mula Oktubre 25 hanggang 29 ang mga labor minister at mga senior labor official mula sa 10-member states ng ASEAN: Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand, Vietnam, at Pilipinas.
Magkakaroon din ng pagpupulong ang mga labor officials kasama ang ASEAN Plus Three dialogue partners na China, Japan at South Korea.
Ayon pa kay Laguesma, na siyang mamumuno sa ALMM, ang biennial meeting na gagawin sa Shangri-La, BGC, Taguig City, magsisilbing pangunahing lugar upang tukuyin at isulong ang kooperasyon ng rehiyon sa mga bagay na nakaaapekto sa paggawa at empleo.
Itinatakda ng pagpupulong ngayong taon ang pagbabalik sa face-to-face format, at tutuon sa tema ng pagsulong laban sa pandemya, gayundin ang higit na pagtataguyod sa digitalized, sama-sama at tuluy-tuloy na pag-unlad ng mga manggagawa.
Inaasahan sa pagpupulong ang pagrepaso sa iba’t ibang programang rehiyonal ukol sa pagpapaunlad ng mga kasanayan, digitalization, pagbabago ng klima at green jobs, relasyong industriyal at pagbabago sa mundo ng paggawa, migrasyon at proteksyong panlipunan.
Sinabi ni Laguesma na itatampok din sa mga pagpupulong ang mga pangangailangan para maging mas epektibo ang pagtugon ng rehiyon sa kawalan ng trabaho lalo na sa mga kanayunan, pagtaas ng presyo ng bilihin, at inflation, na kabilang na ngayon sa pinakamalaking banta sa kapakanan ng mga manggagawa sa rehiyon.
Inaasahang makabubuo ang mga labor minister ng mga prayoridad para sa regional action sa pagpapabuti ng mga kasanayan pang-empleo, pagtataas ng kakayahan at propesyonal na kwalipikasyon gayundin ang paghahatid ng technical and vocational education and training(TVET); pagkakaroon ng access ng lahat sa ICT at digitalization, modernisasyon ng agrikultura para sa pagtataas ng produksiyon, seguridad sa pagkain at paglikha ng mga bagong trabaho.
