Globe Communications sisimulan na ang SIM registration sa mahigit sa 87.4 million customers

NI NOEL ABUEL

Siniguro ng Globe Communications na agad na tutugon ito sa itinatakda ng SIM Registration Act para sa pagpaparehistro ng nasa 87.4 milyong subscribers sa loob ng anim ng buwan.

Sa inilabas na kalatas ng Globe, kasalukuyan na umano itong naghahanda para maisagawa ang pagpaparehistro sa mga sim cards base sa utos ng National Telecommunications Commission (NTC) at nagsasagawa na ng konsultasyon sa iba pang ahensya ng pamahalaan at iba pang stakeholders kasama na ang mga telcos para sa pagbuo ng implementing rules and regulations (IRR)  ng nasabing batas na nilagdaan noong nakalipas na Oktubre 10.

 Sinabi pa ng Globe Communications na sa sandaling maaprubahan at mailathala ang IRR, agad na sisimulan nito ang pagrerehistro ng lahat ng SIM card users kabilang ang physical SIM cards at e-SIMs sa mga mobile devices

“We intend for our SIM registration process to be as seamless and painless to our customers as possible. Our goal is to stay true to the spirit of the law in carrying out its provisions, while ensuring that the conduct of SIM registration will be secure, inclusive and convenient for our customers,” sabi ni Ernest Cu, Globe Group president at CEO.

Sinisiguro rin ng Globe na ipapatupad ang pinakamahusay at internayunal na pagdidesenyo ng ng SIM registration platform at mas pahuhusayin ang best-in-class digital solutions para mapadali at ligtas ang sistema ng pagpaparehistro.

 “We’d like to assure our customers that their data will be protected even as we give them a hassle-free registration process. We wish to effectively roll out this landmark law,” ayon pa kay Cu.

Ang SIM Registration Act ay inaasahang tutugunan ang tumitindi at dumaraming kaso ng cybercrime sa bansa kabilang ang pagkalat ng smishing at iba pang anyo ng scam at spam messaging.

Ayon pa sa Globe, may ginagawa na itong aksyon laban sa mga scam at spam SMS sa pamamagitan ng proactive blocking, threat intelligence partnerships sa mga financial institutions, at education campaign upang matulungan ang mga customers na maprotektahan ang kanilang mga sarili.

Mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon, nasa 16,215 na mobile numbers ang sumailalim na sa deactivation ng Globe at mahigit sa 19,343 din ang blacklisted na sangkot sa scam at spam messaging.

Nagawa rin umanong ma-block ng Globe ang kabuuang 1.3 bilyon spam at scam messages sa kahalintulad na panahon.

Una nang hiniling ni Camarines Sur 2nd District Rep. Luis Raymund Villafuerte ang mga ahensya ng pamahalaan tulad ng NTC at ng Department of Information and Communications Technology na huwag madaliin ang pagbuo ng IRR sa SIM Registration Act sa pagsasabing dapat na makipagtulungan muna ang mga ito sa mga telcos upang matiyak na ligtas at future-proof ang registration system.

Leave a comment