
Ni NERIO AGUAS
Dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga dayuhang turista sa bansa ay kumilos na ang Bureau of Immigration (BI) sa pamamagitan ng paglulunsad ng one-stop-shop sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, ang OSS ay solusyon sa matagal nang suliranin ng mga foreign tourists na dumadating at umaalis sa bansa.
Sinabi naman ni BI spokesperson Dana Sandoval, ang OSS ay magpoproseso ng extensions at exit clearances ng mga dayuhan.
“Actually, ang gusto natin is to encourage foreign nationals to legitimize their stay. Ayaw natin na may excuse sila na di kumuha ng tamang dokumento kaya ang priority ni Commissioner Tansingco ay ilapit sa public ang serbisyo ng Bureau of Immigration,” ani Sandoval.
“This OSS is one way para mapalapit sa tao ang mga serbisyo… so, wala nang excuse or dahilan for any foreigner not to comply with regulations,” dagdag pa nito.
Sinabi ni Sandoval na nais ni Tansingco na palawakin ang mga serbisyong inaalok ng nasabing OSS at pahabain ito sa iba pang mga paliparan, depende sa pangangailangan na gawin ito.
Samantala, pinaalalahan ng BI ang mga inaasahang bibiyahe ngayong panahon ng Undas partikular ang mga dayuhan na siguruhin na tama at maayos ang mga dokumento at visa.
“If not, our offices nationwide numbering 60 can cater to your needs along with our one-stop-shop,” sabi ni Sandoval.
Sinabi pa nito na iniutos ni Tansingco sa mga tauhan nito na maging handa sa pagdagsa ng mga pasaherong parating at paalis ng bansa para sa pagdiriwang ng All Saints’ Day at ‘All Souls’ Day at ang darating ng Kapaskuhan.
