PDLs naging bisita sa kaarawan ni Senador Cayetano

Ni NOEL ABUEL

Muling ipinagdiwang ni Senador Alan Peter Cayetano ang kaarawan nito kasama ang mga Person Deprived With Liberty (PDL) sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Bicutan, Taguig.

Sinabi ni Cayetano na masaya itong ipinagdiwang ang kaarawan kasama ang mga PDLs kung saan kasama nito ang maybahay na si Taguig Mayor Lani Cayetano kasama si Taguig 1st District Rep. Ricardo “Ading” Cruz, nang bumisita sa BJMP.

Sa kanyang pahayag, nanawagan ito na i-rehabilitate ang mga drug users at maging mga saksi at guro kontra sa masamang epekto ng paggamit ng droga, dahil aniya marami silang maaaring maituro sa kabataan tungkol sa pag-iwas sa adiksyon.

“Kayo ang magiging pinaka-credible na witness laban sa droga at ‘yung effectiveness ng facility na ito sa iba nating mga kababayan,” sabi ni Cayetano nang maging punong bisita sa Department of Health Treatment and Rehabilitation Center sa Camp Bagong Diwa, Lungsod ng Taguig.

“Kayo po ang mga future na paglabas ninyo dito ay magiging witness at teacher sa kabataan na huwag bibigay sa pressures ng mundong ito,” dagdag niya.

Sinadya ng senador at kanyang asawang si Taguig Mayor Lani Cayetano, kasama si Taguig 1st District Rep. Ricardo “Ading” Cruz, ang drug treatment facility at ang National Correctional Consiousness Week sa BJMP sa Bicutan at namahagi ng food at hygiene packs at pagkain.

Ayon kay Cayetano, bahagi ito ng pagdiriwang nila ng kanyang ika-52 kaarawan sa October 28.

Nasa 1,291 benepisyaryong Person Deprived With Liberty (PDL) ang nabigyan ng hygiene kits at pagkain.

Sinariwa rin ng mga Cayetano ang kanilang pangako na patuloy na pagandahin ang naturang drug treatment facility.

Pinaplantsa na lang aniya nila ng mga hospital administrators at mga opisyal mula sa Department of Health (DOH) at Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga detalye ng pinaplanong mga pagsasaayos sa pasilidad.

“Sumasama po kami ni Lani at Ading in making the commitment sa inyo. Kayo may commitment na magpagaling, kami may commitment na tumulong sa lahat ng inyong pangangailangan para kayo ay gumaling. At hindi lang kayo kung hindi pati po ‘yung mga iba na hindi pa nila nare-realize na nabiktima din sila ng droga,” ayon sa senador.

“Compared sa other facilities, even sa ibang private na rehab, napakaganda ng dito sa Bicutan. Napakarami pang kailangang gawin, we really want to build, pero saka ko na i-announce kasi ipo-porma pa namin,” dagdag niya.

Taglay ang patient capacity na 3,000, ang DOH Treatment and Rehabilitation Center sa Camp Bagong Diwa ang pinakamalaking drug treatment facility sa bansa.

Itinuturing itong DOH special hospital, na nakatutok sa drug training, treatment at research.

Pinaalalahanan ni Cayetano ang mga rehab patients doon na maaari pa ring makabalik sa kanilang mga pamilya at matanggap sa lipunan, at aniya ang kanilang nakaraang karanasan sa adiksyon ay hindi dapat maging hadlang sa pagbubuo ng mas maayos na buhay para sa sarili nila oras na matapos ang kanilang treatment.

“Ang tao po, nasa nature po natin na minsan maging marupok o minsan po magkasala. So, nagkamali kayo sa choices ninyo kaya kayo nandito sa rehab, pero lahat naman po tayo nagkakamali sa choices natin. So huwag kayo magfo-focus sa pagkakamali,” aniya.

Nagsabi pa sina Senador Cayetano at Mayor Cayetano na hindi ititigil ang pagtulong sa mga PDLs at sa pagdating ng Kapaskuhan ay muling babalik sa BJMP upang magbigay ng regalo sa mga ito.

Leave a comment