Sapat na pagkain ng mga Pinoy unahin ng Marcos administration — Rep. Nazal

Ni NOEL ABUEL

Habang patuloy na tumataas ang presyo ng pagkain sa Pilipinas, sinabi ni MAGSASAKA party list Rep. Robert Nazal na ang pagharap sa kawalan ng pagkain ang dapat maging agenda ng 19th Congress at ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sinabi ni Nazal na ang unang hakbang na mahalaga upang matugunan ang problema sa pagkain ay ang pagbuo ng isang framework law na nagsasaad na ang Pilipino ay may karapatan sa sapat na pagkain.

“Ang sapat na pagkain ay karapatan ng bawat Pilipino,” sabi ni Nazal, na kinilala ng Commission on Elections (Comelec) bilang kinatawan ng mga magsasaka.

Ayon kay Nazal, na kilalang agricultural entrepreneur, ang overall legislative framework ay kritikal upang masiguro na magiging sapat ang pagkain sa bansa.

“Now more than ever, food security is in the public’s eye with the recent surge in prices after a couple of years of pandemic. Indeed, rising prices and a still recovering economy serve as headwinds for our country’s fight for the right to adequate food,” sabi nito.

Sinabi ni Nazal na maghahain ito ng panukalang batas na magbibigay ng balangkas para sa karapatan sa sapat na pagkain upang matulungan ang gobyerno na matugunan ang mga isyu ng kawalan ng pagkain, pagtaas ng antas ng kagutuman, at malnutrisyon.

Binanggit nito ang pinakabagong survey ng Social Weather Stations na nagpapakita na 11.6 porsiyento ng mga pamilyang Pilipino o tinatayang 2.9 milyon ang nakaranas ng gutom at walang makakain kahit isang beses sa ikalawang bahagi ng 2022.

Ang bilang na ito ay nagresulta mula sa pag-lock sa nakalipas na dalawang taon dahil sa COVID-19 pandemic, ang kasalukuyang digmaan sa Ukraine, ang debalwasyon ng piso ng Pilipinas, lumalaking populasyon, at marami pang iba.

Sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) maraming Pilipino ang hindi makakain ng may sapat na sustansya dahil sa hindi nito kayang punan ang gastos.

Ayon kay Nazal, ang pagtatatag ng legal framework para sa karapatang magkaroon ng sapat na pagkain ay magsisilbing pagsama-samahin, pagkakatugma o pagtuunan ng iba’t ibang batas, patakaran at regulasyon kabilang ang Republic Act 8435 o ang Agriculture and Fisheries Modernization Act of 1997 upang matugunan at maalis ang kagutuman.

“The target is that within a 10-year period, there shall be zero incidence of hunger in the country,” ani Nazal.

Sinabi ni Nazal na ang kanyang panukalang batas ay mag-aatas sa lahat ng iminungkahing aksyon, plano at proyekto ng gobyerno na isaalang-alang ang karapatan sa sapat na pagkain.

Nakasaad din sa panukala ang mga kondisyon para sa paggamit ng karapatan sa sapat na pagkain, kalayaan mula sa gutom, walang diskriminasyon, mga prinsipyong namamahala, mga pamantayan sa dami ng pagkain, pagpapakalat ng impormasyon, programa sa edukasyon at kamalayan, internasyonal na kooperasyon, mga serbisyo sa pagsubaybay at pagsusuri, mga representasyon mula sa organisasyon ng mga tao at lipunang sibil, pati na rin ang mga parusa para sa mga paglabag sa mga probisyon ng panukalang batas.

Sinabi ni Nazal na nakasaad sa panukala ay ang paglikha ng isang Commission on the Right to Adequate Food na sasailalim sa Office of the President.

Unang inihain sa 16th Congress nina dating Reps. Ibarra “Barry” Gutierrez, Walden Bello, Arlene “Kaka” Bag-ao at Jose Cristopher “Kit” Belmonte, ang panukalang “Right to Adequate Food Framework Act” na inaprubahan sa ikatlo at huling mga pagbasa sa mga sumunod na Kongreso.

Leave a comment