
NI NEILL ANTONIO
Matagumpay na nasagip ng Philippine Embassy sa Nairobi ang isang Filipino na matagal nang nasa Republic of Congo at hindi makauwi ng Pilipinas.
Sa kalatas ng Department of Foreign Affairs (DFA), sa tulong ng Republic of Congo’s Ministry of Foreign Affairs Cooperation and Diaspora Congolese, nasagip ang nasabing Filipino national na pansamantalang hindi pinangalanan.
Nabatid na ang nasabing Pinoy ay hindi makabalik ng Pilipinas sa loob ng 21-taon at isinagawa ng embahada sa tulong ng DFA-Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs (OUMWA), at ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at ng Philippine Embassy sa Bangkok.
Sa record, ang nailigtas na Pinoy ay nagtrabaho bilang mekaniko sa isang kumpanya sa Republic of Congo ngunit nagsara ito dahilan upang ma-stranded ito sa nasabing bansa at nawalan ng perang paggastos maliban pa sa napaso na rin ang immigration papers nito.
Ang Republic of Congo, na kilala bilang Congo-Brazzaville, ay matatagpuan sa western coast ng central Africa at kilala sa operasyon ng mga oil petroleum, kung saan 70 porsiyento nito ang ini-export sa ibang bansa kung saan tinatayang nasa 25 Filipino ang nagtatrabaho sa service sector at bilang professionals.