
NI NOEL ABUEL
“Dapat magtulungan ang buong bansa sa pangunguna ng gobyerno kasama ang iba’t ibang sektor ng lipunan upang mapaigting ang ating estratehiya at depensa tuwing may sakuna.”
Ito ang apela ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. kasunod ng panawagan nitong sama-samang pagkilos ng bansa para sa mga polisiya at pagtugon hinggil sa climate change makaraang salantain ng bagyong Paeng ang maraming lalawigan sa bansa.
Aniya, palakas nang palakas, mas nakamamatay at patindi nang patindi ang pinsala kada taon ng mga bagyo at ang bilang ng nasawi ay umakyat na sa 156 na higit na marami kumpara sa mga nasawi noon sa bagyong Ulysses noong 2020.
Ayon sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang pinsala na dulot ng bagyong Paeng sa agrikultura at imprastraktura ay umabot na sa P7.3 bilyon.
Una nang inihain ni Revilla ang Senate Resolution no. 262 na naglalayong atasan ang nararapat na komite sa Senado na magsagawa ng inquiry, in aid of legislation hinggil sa pagkadamay ng maraming bagay at hindi mapigilang pag-usbong ng mga negatibong epekto ng climate change.
Ito aniya ay upang matiyak lamang ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipino hinggil sa delikadong banta na dulot ng pagtaas ng frequency at intensity ng natural na sakuna at kalamidad na sa huli ay masiguro na magkaroon ng sistema at polisiya na mapaninindigan ang kaligtasan at katatagan.
“Bukod sa mitigation efforts na ginagawa natin para tugunan ang paglala ng climate change, dapat din natin tingnan muli ang mga polisiya at programa na mayroon tayo patungkol sa climate change adaptation at climate resilience upang mas maiwasan natin ang pagkawala ng buhay at pagkasira ng ating mga imprastraktura sa gitna ng pagtama ng climate-related disasters,” paliwanag pa ni Revilla.
