
Ni NOEL ABUEL
Nanawagan si Senador Robinhood “Robin” C. Padilla sa Bureau of Immigration (BI) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na gawin ang lahat para tulungan ang mga “stateless” na Pilipinong na-deport galing sa Sabah at ngayo’y nasa Tawi-Tawi at Sulu.
Sa pagdinig ng Senate Finance Committee na duminig sa 2023 budget ng Department of Justice (DOJ), ipinarating ni Padilla ang panawagan na bagama’t ilan sa mga na-deport ay hindi alam kung sila ay Pilipino o Malaysian, karamihan ay matagal nang nakatira sa Sabah at sa pagkaalam ng mga ito ay nasa Pilipinas ang Sabah.
Dagdag ni Padilla, handa ito at ang kanyang tanggapan na magkaroon ng mabilis na pagtugon dito.
“Noong 2013, pagkatapos ng gulo at malaking giyera sa Lahad Datu, napakaraming mga matatawag nating deported na stateless. Hindi po nila alam kung sila ba ay Pilipino o Malaysian sapagka’t ito po ay may kinalaman sa Sabah. Dahil matagal na panahon sila nakatira sa Sabah ang alam nila ang Sabah nasa Pilipinas. Nang nagkaroon ng gulo sila ay dineport. Ngayon di po nila alam kung Pilipino ba sila o Malaysian. Sila ay kawawang kawawa diyan sa lugar ng Tawi Tawi at Sulu,” ani Padilla.
Aniya, ang insidente sa Lahad Datu sa Sabah halos isang dekada nang nakaraan ay nag-ugat sa paglusob ng grupong nagpakilalang kumakatawan sa Sultanato ng Sulu na umaangkin sa Sabah mula sa Malaysia.
Napanalunan umano ng Sultanato ng Sulu ang kaso sa Madrid High Court noong 2020, at pinagtibay ng French Arbitration Court ang desisyon nitong 2022, at inatasan ang Malaysia na magbayad ng may kabuuhang $14.9 bilyon sa mga tagapagmana ng Sultanato.
Tugon naman ni Senate Finance committee chairman Juan Edgardo Angara, handa ang DOJ na tulungan ang mga na-deport na nais mag-apply ng Philippine residency o citizenship, sa tulong ng Philippine Statistics Authority.
Dagdag ni Angara, nagkaroon na rin ng special mission na on-site civil registration activity noong 2019, kung saan nakapagrehistro ang mga walang dokumentong Pilipino sa plantation sa Sabah na nasa 9,389.
Samantala, umaasa si Padilla na ang Department of Foreign Affairs (DFA) ay nakikipag-usap sa Malaysia para matulungan ang mga “stateless” na na-deport.
