P30M farm-to-market road sa Pangasinan tinapos na ng DPWH

Ni NERIO AGUAS

Natapos na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang isang bagong farm-to-market road (FMR) na nagdudugtong sa dalawang (2) barangay sa Pangasinan at makakatulong para sa mga magsasaka.

Sa kanyang ulat kina Secretary Manuel M. Bonoan at Undersecretary Eugenio R. Pipo, Jr, sinabi ni DPWH Region 1 Director Ronnel M. Tan na ang 3.4-kilometrong FMR na bumabagtas sa Barangay Bakit-bakit sa munisipyo ng Rosales hanggang sa Barangay San Miguel sa Balungao ay ngayon ay ginagamit na ng mga lokal, lalo na ang mga magsasaka, sa pagdadala ng mga butil ng mais at palay sa karatig na sentro ng kalakalan.

Pinondohan ng P30 milyon sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act (GAA), ang proyekto ay naglalayong gawing kongkreto ang kalsada na naglalayong bawasan ang oras ng paglalakbay mula 25 minuto hanggang sampung minuto, na pakikinabangan maging ang mga kalapit na munisipalidad ng Rosales, Sta. Maria, at Umingan.

Naglagay rin ang DPWH Pangasinan Third District Engineering Office ng 42 units ng solar LED lights sa bagong kalsada.

“We are targeting to complete more road projects in Pangasinan this year to support the local government’s initiative of attracting more tourists and spurring economic growth,” sabi pa ni Tan.

Leave a comment