
Ni NERIO AGUAS
Ipinagmalaki ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na natapos na nito ang bagong farm-to-market road (FMR) sa Butuan City na mapapakinabangan ng mga magsasaka para maibenta ang produkto sa Agusan del Norte.
Ang 1.125-kilometrong kongkretong kalsada ay isang mas maikli at mas magandang daanan para sa mga magsasaka ng Barangay Antongalon sa Barangay Basag, kung saan ang sementadong kalsada ay konektado sa highway sa NRJ Agusan – Davao Road (Daang Maharlika), Butuan City.
“This FMR boosts local economy by providing a faster and cheaper means of transporting agricultural products, which will then encourage our farmers to maximize their outputs all-year round,” sabi ni DPWH Regional Office 13 Director Pol M. Delos Santos.
Sa pagtugon sa tagubilin ni DPWH Secretary Manuel M. Bonoan, sinabi ni Direktor Delos Santos na isasakatuparan ng DPWH ang Build Better More Program at uunahin din ang mga proyektong sumusuporta sa agricultural productivity na makatutulong sa kinakailangang pagbangon ng ekonomiya.
Sa kabuuang alokasyon na ₱17 milyon, ang road project sa Barangay Antongalon ay ipinatupad ng DPWH Butuan City District Engineering Office.