Sen. Bong Go namahagi ng relief goods sa Iba, Zambales; Bagong Super Health Center ininspeksyon

Ni NOEL ABUEL

Alinsunod sa kanyang patuloy na pagsisikap na suportahan ang iba’t ibang sektor sa buong bansa, pinangunahan ni Senador Christopher “Bong” Go ang tatlong araw na relief operation sa Iba, Zambales para maghatid ng tulong sa mga naghihirap na residente sa nasabing bayan.

Isinagawa sa People’s Park, ang sunud-sunod na aktibidad ay namahagi ang senador ng ayuda para sa 1,000 apektadong pamilya sa nasabing lalawigan.

Nakasama rin ni Go si Senador Robinhood Padilla sa ikalawang araw na pamamahagi ng tulong sa libu-libong residente ng Zambales tulad ng pagkain, grocery packs, vitamins, shirts, at masks gayundin may tumanggap din ng sapatos, cellular phones, bisikleta, at bola ng basketball at volleyball.

Tumulong din sa pamamahagi ang kinatawan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na namahagi ng financial aid sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program upang makabawi ang mga ito dulot ng pandemiya.

“Sabi ni Governor (Jun Ebdane) kanina, malaking tulong po itong matatanggap ninyo sa inyo ngayong araw na ito. Dalahin n’yo po sa inyong mga pamilya dahil nasa gitna pa tayo ng krisis. Importante po pagkain, baon sa inyong mga anak. Dalahin n’yo po sa inyong mga pamilya ang inyong matatanggap ngayong araw na ito,” sabi ni Go, na adopted son ng Iba.

Ininspeksyon din ni Go ang bagong tayong Iba Super Health Center, na isa sa 307 super health center na itatayo sa buong bansa sa ilalim ng 2022 budget na isinulong ni Go bilang vice chair ng Senate Committee on Finance.

Maliban sa Iba, may Super Health Centers din sa Botolan, Castillejos, at Mayantoc sa Zambales.

“Bilang Committee Chair sa Health sa Senado, isusulong ko po ang mga makakatulong po to improve our healthcare system. Kaya mayro’n na po tayong 307 na mga Super Health Center na ilalagay ngayong taong ito at higit 320 naman ang planong itayo sa susunod na taon,” sabi pa ni Go.

Nangako rin ito na magbibigay ng karagdagang suporta sa mga nangangailangan ng pangangalaga sa ospital na maaaring makakuha ang tulong medikal mula sa Malasakit Center sa President Ramon Magsaysay Memorial Hospital sa bayan o alinman sa 152 na mga sentro sa buong bansa.

“Mga kababayan ko, mayroon na pong 152 na Malasakit Center sa buong Pilipinas na handang tumulong po sa inyong lahat. Ano po ba ang Malasakit center? Batas na po ‘yan, isinulong ko noon (at) pinirmahan ni (dating) Pangulong Rodrigo Duterte. Nasa loob na po ng ospital ang apat na ahensya ng gobyerno ang PhilHealth, DOH, PCSO at DSWD tutulungan po kayo hanggang maging zero balance ang billing ninyo,” paliwanag pa ni Go.

Leave a comment