
Ni NOEL ABUEL
Nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go ng win-win solution sa usapin ng pag-aangkat ng isda matapos ang epekto nito sa lokal na industriya ng pangingisda.
Sa isang ambush interview matapos tulungan ang mga nasunugan sa Navotas City noong Miyerkules, Nobyembre 16, nilinaw ni Go na ayon sa inilabas na memorandum ng Department of Agriculture, ang pag-aangkat ay limitado sa ilang uri ng isda at pansamantala lamang ito para makabawi sa kakulangan sa panahon ng closed domestic fishing season, na sisimulan mula Nobyembre ng taong ito hanggang Enero ng susunod na taon.
Kabilang sa mga isda na aangkatin galunggong, matangbaka, alumahan, tulingan, at bilong-bilong.
“Ayon po sa memo ng DA, specific naman po ang fish varieties na i-import natin and this is just temporary dahil closed po ang fishing season,” sabi ni Go.
Ayon sa senador, layunin ng closed season na matiyak na matagumpay na maparami ang iba’t ibang uri ng isda, maabot ang maturity at juvenile fish, at hindi mauubusan ng mahahalagang isda sa loob ng teritoryo ng Pilipinas.
“Ibig sabihin, ‘wag munang mangisda para mabibigyan natin ng pagkakataon ang mga isda sa dagat na manganak at dumami pa. Kung sige-sige natin sila hulihin darating ang araw na wala na tayong makukuhang isda sa dagat,” ayon pa kay Go.
Nagbabala pa ang senador na ang industriya ng pangingisda ay higit na tatamaan kung walang napapanatiling programa.
“Mas lalong babagsak ang fishing industry natin,” aniya pa.
Aabot sa 25,000 metriko tonelada ng isda ang aangkatin ng bansa para maibenta sa mga palengke sa buong bansa, sabi ng DA.
Gayunpaman, hinimok ng mga grupo ng mangingisda ang gobyerno na ihinto ang pag-angkat ng isda at sa halip ay suportahan ang lokal na domestic fisheries.
Hinimok din nito si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na agarang tulungan ang mga mangingisda sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga subsidiya sa produksyon upang malabanan ang masamang epekto ng importasyon sa lokal na industriya ng pangingisda.
Nanawagan din si Go sa gobyerno na bumalangkas ng solusyon sa mga isyung sinabi ng mga lokal na mangingisda na magiging kapaki-pakinabang sa magkabilang panig at protektahan ang kapakanan ng mga mangingisda gayundin ang kanilang mga paraan ng pamumuhay.
“Pero ako naman po, dapat win-win, mas importante rin po sa akin ang ating mga mandaragat, ‘yung mga local fishermen natin na hindi po mawalan ng hanapbuhay. So unahin po natin parati ang mga local fishermen, sila po ang mga mahihirap na isang kahig, isang tuka. ‘Yung kinikita nila sa pangingisda ‘yun po ang tinutustos nila sa araw-araw. Iyun po ang unahin nating proteksyunan. Protektahan natin itong mga local fishermen,” paliwanag pa nito.