
Ni JOY MADALEINE
Pinangunahan ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang pagtatapos ng
445 na trainees sa free skills training program na ibinigay ng Caloocan City Manpower Training Center (CCMTC) sa ilalim ng Public Employment Service Office (PESO).
“Binabati at kinikilala ko po kayo sa inyong pagpupursigi. Hiling ko na ang lahat ng inyong natutunan ay maging daan para makatulong na magkaroon kayo ng pagkakakitaan,” sa pahayag ng alkalde sa mga nagsipagtapos na mag-aaral.
Ang nasabing pagsasanay ay binubuo ng e-learning at apat na buwan na face-to-facebcourses, kabilang ang housekeeping, advanced computer operations, cosmetology, at culinary, at iba pa.
Ayon kay Mayor Along, ito ay naaayon sa kanyang pangako na magbigay ng pagkakataon para sa lahat, lalo na sa mga kulang sa karaniwang kwalipikasyon para sa full-time na trabaho.
“Tulad po ng lagi nating sinasabi, batid natin na hindi lahat ay may kakayanan o kwalipikasyon para magtrabaho. Sa tulong ng ating programa, maging ang mga high school level, senior citizen, solo parent at PWD ay may angkop nang kahusayan o may pagkakataon nang magbukas ng maliit na negosyo gamit ang kanilang mga natutunan sa kanilang mga kurso,” ayon sa alkalde.
Maliban sa libreng pagsasanay, nagbibigay rin ang pamahalaang lungsod ng tulong para sa mga kumukuha ng NC-II Assessment and Certification na isinasagawa ng Technical Education And Skills Development Authority (TESDA).
Dagdag pa rito, sinabi ni PESO Officer-in-charge Ms. Violeta Gonzales na ang programa ng CCMTC ay dapat na tuluy-tuloy at ang enrollment ay kasalukuyang on-going para sa mga susunod na batch.
“Tuluy-tuloy po ang programa nating libreng skills training alinsunod sa direktiba ni Mayor Along. Sa kasalukuyan po, on-going na ang enrollment para sa susunod nating batch,” sabi ni Gonzales.
Sinumang interesado ay maaaring mag walk-in ang mga aplikante para magsumite ng kanilang mga dokumento sa CCMTC Office-Bldg. F. Roxas St., sa pagitan ng 1st at 2nd Avenue, South Caloocan; PESO Office, 6th floor, Caloocan City Hall-South; o sa PESO Office 3rd floor, Caloocan City Hall-North.
