Surigao del Sur niyanig ng magnitude 5 na lindol

NI MJ SULLIVAN

Niyanig ng malakas na paglindol ang lalawigan ng Surigao del Sur kahapon ng tanghali, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Ayon sa Phivolcs, dakong alas-12:43 ng tanghali nang maramdaman ang magnitude 5 na lindol na tumama sa bayan ng Cortes ng nasabing lalawigan.

Base sa datos ng Phivolcs, natukoy ang sentro ng lindol sa layong 035 km hilagang silangan ng bayan ng Cortes, Surigao Del Sur na may lalim na 011 km at tectonic ang origin.

Naramdaman ang intensity IV sa bayan ng Cortes, at Lanuza, Surigao del Sur habang intensity III sa  Cagwait, Carrascal at Bayabas.

Intensity II naman sa Cantilan, Surigao del Sur at intensity 1 sa Surigao City.

Samantala, sa instrumental Intensities ay naitala rin ang intensity II sa Tandag, Surigao del Sur at intensity I sa Cabadbaran City, Agusan del Norte.

Wala namang naitalang danyos sa nasabing paglindol subalit nag-abiso ang Phivolcs na asahan ang pagkakaroon ng aftershocks sa mga susunod na araw.

Leave a comment