
Ni NOEL ABUEL
Isinusulong ni Senador Mark A. Villar ang pagkakaloob ng 13th month pay sa mga contractual at job order personnel na naglalayon mabigyan ng benepisyo ang lahat ng mga manggagawa sa gobyerno.
“Contractual workers (COS) and job order (JO) personnel play a vital role in government service. They fulfill their duties diligently and passionately comparable to permanent government employees. Notwithstanding, they are not entitled to mid-year and year-end bonuses, such as the 13th-month pay, among other benefits,” sabi ni Villar sa inihain nitong Senate Bill No. 1528 o ang 13th Month Pay Law for contractual and job order personnel.
Aniya, ang mga JOs at kontraktwal sa pamahalaan ay hindi nakakatanggap ng benepisyo tulad ng mid-year at year-end-bonus na natatanggap ng mga regular o permanenteng empleyado sa pamahalaan.
“Sa aking panunungkulan bilang kalihim ng DPWH, nakita ko na ang pagangailangan na ito ng mga empleyado. Kaya ngayon bilang senador, naghain ako ng panukalang batas na magbibigay ng 13th month pay sa mga manggagawa natin sa pambansa at lokal na gobyerno,” diin ni Villar.
Sa ilalim ng panukalang batas, layon nito na mabigyan ng 13th-month pay ang lahat ng mga kawani ng gobyerno anuman ang estado ng kanilang trabaho.
“In light of the persistent rise in the inflation rate, which led to an extraordinary increase in prices of food, fuel, and other commodities, Filipino workers, including contractual and job order personnel of the government face greater hardships in their lives. Contractual and job order personnel lack security of tenure,” dagdag nito.
Binigyan diin ni Villar na base sa SB No. 1528, ang minimum na maaaring makuha para sa mga JO at kontraktwal ay hindi bababa sa kalahati ng kanilang buwanang kita.
“Ang pagpasa ng naturang panukala ay dapat gawing prayoridad habang may natitira pang panahon. Ito ay upang masuklian ang hindi matatawarang kontribusyon at serbisyo ng mga JO sa ating pamahalaan. Munting pasasalamat lamang sa kanilang sipag, sakripisyo at pagsisiguro na naibibigay ng gobyerno ang mga programa sa mga kababayan natin sa buong taon,” paliwanag pa ni Villar.
Nakaakma ang panukalang batas na ito base sa inilabas kamakailan na Joint Circular No. 2 ng Department of Budget and Management (DBM) at Commission on Audit (COA) na nagpapalawig ng serbisyo ng mga JO at COS sa pamahalaan hanggang Disyembre ng 2024.
Tinatayang nasa 642,000 na mga hindi permanenteng empleyado ng gobyerno ang maaaring makatanggap kung maipasa sa Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso ang nasabing panukalang batas.
