
NI NOEL ABUEL
Iginiit ni Senador Ramon Bong Revilla Jr. na dapat lang na itaas ang sahod ng mga manggagawa sa pamahalaan bilang tugon sa hindi matatawarang serbisyo bago pa man naganap ang mga panawagan ng ilang sektor na itaas ang minimum salary sa P33,000 kada buwan.
“Nararapat lamang na pag-aralan natin muli kung sapat pa ba ang natatanggap ng mga kawani ng ating gobyerno lalo na at tuluy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Sa susunod na taon, last tranche na ng umento sa sahod nila, kaya marapat lang na muli itong rebisahin,” sabi ni Revilla.
Si Revilla na chairperson ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation ay hiniling ang komento ng Department of Budget and Management (DBM) hinggil sa posibilidad na pagtataas ng suweldo ng manggagawa sa gobyerno.
Naglabas naman ng opisyal na pahayag ang DBM na kakailanganin umano ng legislative action upang maitaas ang kasalukuyang suweldo ng mga manggagawa sa pamahalaan sa buong bansa.
Si Revilla na siyang author at sponsor ng Salary Standardization Law of 2019, ay nakahanda umanong muling magpakita ng suporta sakaling isabatas ang pag-aaral na ito na magkaroon ng katuparan.
“Government workers are the backbone of our bureaucracy. Our government is only as strong and effective as the people who work in it. Kaya suportahan natin sila sa pamamagitan ng pagwasto sa suweldo nila na akma at napapanahon,” dagdag pa ng senador.
Habang kinukumpleto pa ang naturang pag-aaral ay nagsumite si Revilla ng Senate Bill No. 1406 na naglalayong itaas ang Personnel Economic Relief Allowance (PERA) na ipinagkakaloob sa mga manggagawa ng pamahalaan.
Ang PERA ay isang subsidiya na ibinibigay sa lahat ng manggagawa ng pamahalaan bilang karagdagang tulong dahil ang orihinal na layunin ng PERA noong mga unang buwan ng taong 1990 ay emergency allowance, upang may madudukot sa panahon nang pagtaas ng basic commodities bunga nang pagtaas ng presyo ng langis at paghina ng katatagan sa Middle East.
“Nahirapan ang ating ekonomiya dahil sa pandemya at hindi mapigilan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at gasolina kaya ang kasalukuyang halaga na P2,000 ay hindi na sapat—kaya kung mapagtitibay, ang economic relief allowance ay itataas na sa P4,000.