BI sa MIAA: Imbestigahan ang human trafficking gamit ang pekeng fake passes

Ni NERIO AGUAS

Nanawagan si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco sa mga awtoridad sa paliparan na imbestigahan ang tumataas na kaso ng tangkang trafficking na kinasasangkutan ng mga pekeng entry pass.

Ayon kay Tansingco, nagpalabas ito ng kautusan kay BI Port Operations Division (POD) Chief Atty. Carlos Capulong na makipag-ugnayan sa Manila International Airport Authority (MIAA) para humiling ng masusing imbestigasyon sa nasabing isyu.

Ang babala ay makaraang maharang ng mga airport security at mga pulis ang tatlong biktima noong nakaraang buwan.

Gumamit umano ang mga biktima ng mga pekeng airport access pass, na nagpanggap na empleyado ng iba’t ibang airport concessionaires, para makapasok sa mga boarding gate.

Sa masusing inspeksyon ng airport security, napag-alamang peke ang kanilang mga pass at napag-alaman na ang kanilang mga pasaporte at boarding pass ay naglalaman ng mga pekeng immigration stamp.

Itinaas ni Tansingco ang alerto dahil sa matapos marinig na ang isa pang biktima ay naharang ng mga awtoridad sa paliparan.

Nakatanggap ang BI ng ulat na noong Nobyembre 16, isa pang babaeng biktima ang naharang ng aviation security personnel na patungo sa Kuala Lumpur, at nagpakita ng pekeng access pass at nagtangkang pumasok sa entrance ng mga empleyado.

Ang kanyang pasaporte at boarding pass ay naglalaman din ng mga pekeng selyo, na aniya, ay ibinigay lamang sa kanya sa labas ng paliparan.

Idinagdag ni Tansingco na maaaring ginamit ng mga naunang biktima ang pasukan ng mga empleyado upang maiwasan ang mahigpit na pagbabantay sa mga umaalis ng bansa upang iligal na magtrabaho tulad ng Myanmar.

“We are investigating several victims of a trafficking syndicate that entices our kababayans to work abroad as call center agents, only to be transported to a third country to work as online scammers,” sabi ni Tansingco.

“We are trying to see if these two cases are linked. This is already a big security issue, and we see the need to refer the matter for a thorough investigation, together with local law enforcement agencies and the MIAA,” dagdag nito.

Noong 2014, naganap ang katulad na insidente nang harangin ng mga opisyal ng BI ang 4 na biktima ng trafficking na nagtangkang pumasok gamit ang pasukan ng mga empleyado.

“This keeps on happening, and something must be done to stop this. We are implementing strict departure formalities, and must ensure that all departing passengers are inspected and assessed by our officers,” ayon sa BI chief.

Leave a comment