
MINSAN ang buhay ng tao hindi mo masabi.
Minsan nasa ilalim, minsan naman nasa ibabaw.
Kaya kung may kaibigan tayong nakikilalang umuunlad ay natutuwa tayo sa kanila.
Kapag may kakilala naman tayong bumabagsak, nakararamdam tayo ng lungkot para sa kanila.
Lalo na kapag ang kakilala nating iyon ay alam nating mabait, maganda ang ugali at may mabuting puso.
Nasabi ko ito kasi simula nang isulat natin ang nagkalat na peryahan sa Metro Manila marami tayong kasamahan sa media ang nagtawagan sa atin.
Isinusumbong nila ang isang perya operator na tukuyin natin ang pangalan sa alyas J Mystica.
Masama ang loob ng mga kasamahang media dahil garapalan daw silang ginagamit ni J Mystica.
Ipinagmamalaki sa mga pulis mula National Capital Region Police Office (NCRPO), mga police districts at kahit mga local police stations na puro kabagang daw ni J Mystica ang mga reporters na nagko-cover sa Kalakhang Maynila kaya walang problema para hindi siya payagang makapag-operate ng illegal na sugalan sa perya.
Tulad ng sabi ko kamakailan, perya ay ginagamit na front ng illegal gambling dahil kahit anong dahilan at katwiran ang gawin, ang larong color game at drop ball ay isang uri ng sugal at dahil wala itong permit, isa itong illegal gambling.
Hindi lang iyan, sa peryahan din nagaganap ang transaksiyon ng illegal drugs at minsan pa transaksiyon ng prostitusyon.
Ang puwesto ni J Mystica ay sa Bgy. Sto Nino sa Muntinlupa at Bgy. Sto. Nino rin sa Paranaque.
Galit ang mediamen dahil ginagasgas ni J Mystica ang kanilang propesyon para lamang sa illegal na hanapbuhay ng taong ito.
Diyan sa lungsod ng Caloocan ay may apat na peryahan.
Isa ang sa Malaria, Caloocan na pinamamahalaan ni Mike; isa ang nasa Deparo Dulo na hawak ni Emily; sa may Harmony na hawak ni Tolits at Sta. Quiteria na hawak ni Adrian.
Ang poste rito ay si Alex na dating may puwesto sa Novaliches Bayan.
Nananawagan na tayo kay Gen. Jonel Estomo, hepe ng NCRPO na aksiyunan ang mga ganitong uri ng reklamo.
Naniniwala tayong gagawa ng aksiyon ang PNP tungkol dito lalo na’t pati ang kapulisan ay pinangangalandakan ng mga perya operators na ito na ‘pasok’ na raw sila sa lingguhan nilang payola!
***
Para sa anumang reaksyon o komento at suhestiyon, maaari kayong tumawag sa 09157412674
