
Ni JOY MADALEINE
Pinaninindigan ni Caloocan City Mayor Along Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang kanyang pangako na protektahan ang kapakanan ng mga bata sa kanyang pamumuno sa paglagda sa Child Protection Policy ng Caloocan City Bahay Pag Asa (BPA) ngayong araw, Disyembre 5.
Ang nasabing tatlong palapag na pasilidad ay matatagpuan sa Torcillo St., Barangay 28, South Caloocan at kasalukuyang tumutugon sa kabuuang 60 children in conflict with the law (CICLs) at children at risk (CARs), na tumutulong sa kanila na magkaroon ng positibong pagbabago sa pamamagitan ng serye ng mga programa.
Dagdag pa nito, nanguna rin ang nasabing lugar sa rehabilitasyon para sa mga dumanas ng pang-aabuso at pagmamaltrato.
Ayon sa lokal na punong ehekutibo, ang nasabing proyekto ay naglalayong paigtingin ang dedikasyon ng lokal na pamahalaan upang mapanatiling ligtas ang mga bata at bigyan ng kinakailangang suporta upang magtagumpay sa buhay.
“Nais nating pagtibayin ang mga polisiya ng pamahalaang lungsod upang maprotektahan at magabayan ang ating mga kabataan, lalong lalo na ang mga biktima ng pang-aabuso at mga naligaw ng landas,” sabi ni Mayor Along.
“Hangad din natin na mabigyan sila ng pantay na pagkakataon na magtagumpay sa buhay sa kabila ng kanilang mga pinagdaraanan,” dagdag nito.
Ang nasabing polisiya ay bunsod ng komprehensibong serye ng mga pagsasanay para sa mga tauhan ng Bahay Pag Asa, na kinabibilangan ng gabay sa mga serbisyong ibinibigay ng organisasyon alinsunod sa Republic Act no. 9344 o mas kilala bilang ‘Juvenile Justice Welfare Act’ na sumasaklaw sa pag-iwas, rehabilitasyon, at muling pagsasama ng mga CICL sa lipunan.
Sinaksihan ng mga kinatawan ng BPA, ng civil society groups at mga empleyado ng City Social Welfare Development Department.
