
Ni NOEL ABUEL
Pinakikilos ni Benguet Rep. Eric Yap ang Bureau of Customs (BOC) na agad na sampahan ng kaso ang mga big-time smugglers ng mga produktong pang-agrikultura upang magpadala ng malakas na mensahe laban sa mga iligal na mangangalakal na patuloy na lumalabag sa batas at pagkaitan ng kabuhayan ang mga Pilipinong magsasaka.
Sinabi ni Yap na ang BOC ay dapat kumilos nang mabilis sa pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa mga consignee ng mga shipment ng mga produktong pang-agrikultura na nagkakahalaga ng P20.2 milyon na pinaniniwalaang ipinuslit at naharang ng mga awtoridad sa customs sa Port of Subic noong nakaraang linggo.
“Halagang P20.193 million – ito ang nasabat na agri products na muntik na makalabas ng port at mabenta sa ating local markets. Higit rin sa halagang ito ang muntik nang maging estimated loss ng ating farmers na nagpapakahirap na itanim, anihin, at dalhin ang mga agri produce sa ating mga hapag kainan,” sabi ni Yap.
Noong nakaraang linggo, nasabat ng BOC-Port of Subic, sa pakikipag-ugnayan sa Department of Agriculture (DA), ang isang shipment na dinala ng Veneta Goods Trading na idineklara bilang assorted foodstuff ngunit naglalaman ito ng frozen carrots.
Ang isa pang nasamsam na shipment ay naka-consign sa Lalavy Aggregates Trading, na idineklara bilang lobster balls at crabsticks, ngunit natuklasan ng BOC na naglalaman ito ng sariwang pula at puting sibuyas.
“Hindi na pwede na puro huli na lang ang nababalitaan natin, pero walang napapakulong? Wala pa rin na smuggler nako-convict, kahit patuloy at harap-harapan na silang illegal na nagpapasok ng agri products sa bansa. They’re not even trying to conceal these shipments anymore. Why? Wala naman kasing napapakulong,” paliwanag ni Yap.
Sa ilalim ng Republic Act 10845, ang large-scale agricultural smuggling, tulad ng illegal importation ng asukal, mais, karne ng baboy, manok, bawang, sibuyas, carrots, isda at gulay na nagkakahalaga ng tinatayang P1 milyon na ikinokonsidera bilang economic sabotage.
“We are urging the BOC to file a case against those involved sa pagpasok ng mga container shipments na ito sa bansa. Bigyan natin ng sample ang agri smugglers, ipakita na may ngipin ang batas natin. More than one million ang halaga nito, dapat no bail. Pangalanan lahat, kasuhan, at ipakulong,” giit ni Yap.
Sinabi ng kongresista na tatalakayin nito ang usapin sa darating na Technical Working Group (TWG) meeting ng House Committee on Agriculture and Food at isusulong ang mabilis na pag-apruba sa kanyang panukala, House Bill No. 319, na naglalayong dagdagan ang mga parusa sa mga sangkot sa vegetable smuggling.
Hikayatin din aniya nito ang Kongreso na aksyunan ang House Resolution No. 108 na inihain nito kay Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte, na nanawagan ng legislative inquiry sa patuloy na pagpupuslit ng mga produktong pang-agrikultura.
“Hindi tayo titigil hangga’t walang napapanagot. Hihintayin natin ang kasong ipa-file ng BOC laban sa Veneta Consumer Goods Trading at Lalavy Aggregates Trading. Non-bailable ang pag-smuggle ng above one million pesos. ‘Pag hindi pa nakulong ang consignees, brokers, at iba pang involved dito, paano na? Magpa-file uli tayo ng House Resolution na mag-iinquire na bakit wala pa rin napapakulong kahit may ebidensya naman. Gusto natin malaman paano masisiguro na mapapanagot ang mga smugglers na ito,” giit ni Yap.
Sinabi nito na ang laganap na smuggling ay nag-aalis hindi lamang sa kita at kabuhayan ng mga food producers kundi pati na rin sa kinilita ng pamahalaan na sana ay ginamit upang mapabuti ang kalagayan ng milyun-milyong maliliit na magsasaka.
“Pinapatay ng agricultural smuggling ang kabuhayan ng ating mga farmers. Niloloko nila ang sambayanang Pilipino, tumatakas sila sa tamang proseso. Lahat tayo nagbabayad ng buwis tapos itong mga smugglers na ito, di na nga nagbabayad, kumita na sila, hindi pa sila napapakulong. Bigyang tuldok na ang problemang ito,” dagdag pa nito.
