Joni Villanueva General Hospital sa Bocaue, Bulacan pinasinayaan

Si Senador Bong Go at Senador Joel Villanueva at Vice Mayor Sherwin Tugna kasama ang mga health workers na nagpasinaya sa Joni Villanueva General Hospital.

Ni NOEL ABUEL

Pinuri ni Senador Christopher Bong Go ang lokal na pamahalaan ng Bocaue, Bulacan sa suporta para sa pagtatayo ng health facility sa nasabing lalawigan.

Sa kanyang pahayag, ipinarating ni Go ang pagpuri kina Mayor Jonjon Villanueva at Vice Mayor Sherwin Tugna, sa suporta para sa pagtatayo ng health facility upang mapakinabangan ng mahihirap.

Nabatid na ang nasabing health facility ay ipinangalan kay dating Bocaue Mayor Joni Villanueva, na namayapa noong May 2020.

“Unang-una, dapat pasalamatan natin ngayong araw na ito, of course, gusto ko pong pasalamatan si Mayor Joni Villanueva. Nakilala ko po siya sa ilang taon at nakakalungkot po na kumpleto na ‘yung ospital, wala siya ngayon dito. Siya po ang dapat nating pasalamatan. Palakpakan natin si Mayor Joni Villanueva, nasaan man siya ngayon,” sa pahayag ni Go.

Kasama rin na dumalo sa pagsisinaya si Senate Majority Floor Leader Joel Villanueva sa inagurasyon ng Joni Villanueva General Hospital (JVGH) noong nakalipas na araw ng Lunes, Disyembre 12.

Ang JVGH, na Level 2 hospital ay itinatag matapos ang ipasa ang Republic Act No. 11720 na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at pangangalagaan ng Department of Health (DOH).

Pinasalamatan din ni Go ang lahat ng medical frontliners sa serbisyo ng mga ito hanggang sa kasalukuyan na panahon pa rin ng global health crisis.

“Of course, ang ating mga frontliners. Hindi po natin mararating itong narating natin ngayon kung hindi po sa inyong sakripisyo. Marami pong nagbuwis ng buhay ‘yung mga frontliners, doctors,” sabi ni Go.

“Lahat po kayo’y mga frontliners dahil lahat po kayo’y pumasok sa ospital, exposed na po kayo. Kaya ipinaglaban namin ni Sen. Joel, ang aming Majority Floor Leader, kung ano ‘yung mga dapat ibigay po sa inyo ay dapat pong ibigay po sa inyo. Salamat,” dagdag pa ng senador.

Samantala, ipinahayag ni Go ang kanyang kumpiyansa na malaki ang maitutulong ng JVGH sa pagpapabuti ng sistema ng pangangalagang pangkalusugan ng bansa lalo na sa mga kalakhang Metro Manila.

Leave a comment