
Ni NOEL ABUEL
Nagpaliwanag si Basilan Rep. Mujiv Hataman kung bakit nagdesisyon itong bumoto laban sa House Bill No. 6608, o ang Maharlika Investment Fund bill.
“I voted “NO” to House Bill No. 6608, or the Maharlika Investment Fund bill. At unang-una sa aking listahan ng mga dahilan kung bakit ako bumoto ng “NO” ay dahil sa paraan kung paano ito naipasa ng aking mga kasama sa House of Representatives. Sa aking wari ay parang minadali ang approval ng panukalang ito,” sabi ng kongresista.
Aniya, Nobyembre 28 nang maihain ang nasabing panukala at kasunod nito ay naisama sa Order of Business at agad na na-refer sa Committee on Banks and Financial Intermediaries sa loob ng isang araw.
“Kinabukasan, Nobyember 29, nag-schedule agad ng hearing sa committee sa panukala at inaprubahan ang bill subject to the amendments ng isang TWG na itinayo para ayusin ang mga probisyon,” ayon kay Hataman.
“Sa pangalawang araw ng pagdinig ng Committee on Banks noong Disyembre 1, na-approve na ang substitute bill ng Maharlika Fund measure. Disyembre 5 naman nang aprubahan ito ng Committee on Ways and Means, at Disyembre 9 nang ipasa ito ng Committee on Appropriations. Nang dumating ang araw ng Disyembre 12, dininig na ito sa plenary. At dahil may certification as urgent na ito galing sa Palasyo, inaprubahan na ito sa Kamara, Disyembre 15,” paliwanag pa ni Hataman.
Ayon sa mambabatas, simula nang ihain ang panukala hanggang pinal na ipasa ay nangailangan lamang ang Kamara ng 18 calendar days.
“Sa ganang akin, hindi ito sapat na panahon para pagtibayin ang panukala lalo na kung maraming tao at sektor ang nagpahayag ng pagtutol sa maraming probisyon nito. Pangalawa, mismong mga opisyal ng administrasyong ito ay nagpahayag ng pangamba sa panukala. Si BSP Gov. Felipe Medalla, noong una, ay nagsalita na baka matulad ang Maharlika Investment Fund sa nangyari sa sovereign wealth fund ng Malaysia na nasangkot sa isa sa pinakamalaking iskandalo ng katiwalian sa buong mundo,” giit nito.
“Pati na rin si Socio-Economic Planning Secretary Arsenio Balisacan ay nangamba sa pag-invest ng pondo ng Landbank at DBP sa Maharlika Investment Fund. Hindi raw ito magandang idea, or kung gagawin daw ito, dapat ay hindi ma-overexpose ang pondo ng dalawang bangko,” dagdag pa ng mambabatas.
“Marami ring tanong sa isipan ng mga mamamayan ang hindi pa nasasagot ng maayos ng mga proponents ng panukalang ito: Una, kailangan nga ba talaga natin ng isang Maharlika Investment Fund gayong kumikita naman ang mga indibidwal na ahensiyang bubuo sa pondong ito? Ano ang magagawa ng Maharlika Investment Fund na hindi kayang gawin individually ng mga government financial institutions na ito at ng BSP, which have also been investing their funds using their own strategies?” tanong pa ni Hataman.
Sinabi pa nito na nagtala itong inilalagay sa alanganin ang viability ng mga financial institutions sa mga investments na kahit na malaki ang returns ay malaki rin ang banta?
“May feasibility study ba tayong pinanghahawakan to back the establishment of a Maharlika Investment Fund? Bukod pa ito sa tanong kung sino ang mga bubuo ng korporasyon na magma-manage ng Maharlika Investment Fund. In these kinds of investments, we need people with impeccable integrity and proven competence. Trust will be an important issue here,” giit pa nito.