
Ni NOEL ABUEL
Makikinabang ang social welfare o ayuda na magagamit na pantulong sa mga mahihirap na nakapaloob sa panukalang Maharlika Investment Fund (MIF).
Ito ang sinabi ni House Speaker Martin G. Romualdez kung saan naglaan ang Kamara ng ng dagdag na pondo ng social welfare purpose sa kikitain ng MIF mula 20 porsiyento ay gagawing 25 porsiyento.
Noong nakalipas na Huwebes, 279 kongresista ang pumabor sa House Bill (HB) No. 6608, habang anim naman ang tumutol, at sinertipikahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ang MIF ay pangunahing naisip bilang isang mabisang sasakyan upang maisakatuparan at mapanatili ang mga proyektong imprastraktura na may mataas na epekto, pag-unlad sa kalunsuran at kanayunan, suporta sa agrikultura, at iba pang mga programa na lilikha ng mas maraming kita at aktibidad sa ekonomiya ng bansa.
“We have increased the contributions of the profits of the Maharlika Investment Fund to social welfare fund that the government can utilize to provide assistance to those who need it the most,” sabi ni Romualdez.
Binanggit ni Romualdez na ang naturang pagtaas ay nagmula sa isang panukala ng opposition bloc sa Kamara, bagama’t kalaunan ay bumoto laban sa pagpasa ng HB 6608.
“This amendment was proposed by the Makabayan bloc, which we accepted,” ani Romualdez.
Sa kanyang mensahe sa mga kapwa mambabatas bago mag-adjourn ang Kamara para sa Christmas break, binanggit ni Romualdez na ang pag-apruba ng HB 6608 ay dumating matapos ang mga pampublikong konsultasyon at kumpletong deliberasyon sa mga ahensya at stakeholder na isinagawa sa committee level.
“At the Plenary, several interpellators, and numerous hours of session were devoted to informative debates and manifestations discussing lengthily the nature, scope, and benefits of the proposed measure,” aniya pa.
Sa HB 6608 ang orihinal na 20 porsiyento ng kita sa MIF ay para social welfare purposes subalit inamiyendahan ni ACT party-list Rep. France Castro at ginawang 30 porsiyento ngunit sa huli ay naging 25 porsiyento.
Sa ilalim ng HB 6608, hindi bababa sa dalawampu’t limang porsyento (25%) ng netong kita ng Maharlika Investment Corporation—ang independiyenteng mamamahala sa MIF– ay direktang ipamamahagi sa paraan ng poverty and subsistence subsidies sa mga pamilyang nasa poverty threshold na itinakda ng Philippine Statistics Authority, bilang kapalit ng mga buwis at dibidendo remittance sa national government.
Ang matitira sa mga netong kita ng MIC ay ibibigay sa national government, na ilalaan para sa mga programa at proyekto sa social welfare programs, maliban sa infrastructure projects na hindi kasama.
Maliban sa pagtaas ng bahagi ng social welfare sa kita ng MIC, iminungkahi rin ni Castro ang iba pang mga inamiyendahan na tinanggap ng mayorya sa Kamara.
