

Ni NOEL ABUEL
Nagsagawa ng anti-terrorism exercise ang Mababang Kapulungan ng Kongreso upang matiyak ang kahandaan ng sarili nitong security contingent, sa pakikipagtulungan ng law enforcement upang tugunan ang anumang posibilidad ng naturang banta.
Pinangunahan ni retired PMGEN Napoleon C. Taas, ang Sergeant-at-Arms ng Kamara ang security exercise ng composite security forces sa paligid ng Batasang Pambansa.
Ang Sergeant-at-Arms ang siyang responsable sa pagpapanatili ng kaligtasan at kaayusan sa Kamara at nagpapatupad ng seguridad sa mga miyembro ng Kongreso, mga empleyado at mga bisita.
“We conducted the anti-terrorism security exercise upon the instruction of Speaker Martin G. Romualdez,” ani Taas.
“The Speaker wants to ensure that our internal security forces can work seamlessly with law enforcement authorities to effectively address any threats directed against the House of the People,” dagdag pa nito.
Dagdag pa rito, sinabi ni Taas na sinubukan ng security exercise ang kakayahan, inter-operability, at kakayahan hindi lamang ng mga kasanayan ng mga kalahok na tauhan kundi pati na rin ang kanilang mga armas at sistema ng komunikasyon na kinakailangan upang matugunan ang mga posibleng banta sa seguridad.
Kabilang sa mga contingent na lumahok sa anti-terrorism drill ay ang mga tauhan ng Legislative Security Bureau (LSB), ang operating arm ng Office of the Sergeant-at-Arms; mga tauhan mula sa QCPD Crowd Disturbance Management at Police Security Protection Group ng Philippine National Police (PSPG-PNP), Joint Anti-Terror Task Force-National Capital Region (JTF-NCR) ng Armed Forces of the Philippines (AFP), gayundin ang mga tauhan mula sa pribadong ahensyang panseguridad na naglilingkod sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Nagbigay rin ng suporta sa anti-terrorism drill ang Bureau of Fire Protection (BFP), at ang medical personnel ng Kamara.
Sinabi pa ni Taas na ang anti-terrorism drill ay isa lamang sa iba’t ibang security exercises na regular na isinasagawa upang palakasin ang kahandaan ng mga security forces upang matiyak na lubos na protektado ang Kamara sa anumang banta na makahahadlang sa kanyang mandato sa paglilingkod sa mamamayang Pilipino.