
Ni NERIO AGUAS
Bumagsak sa kamay ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean fugitive na wanted sa bansa nito dahil sa telecommunications fraud.
Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang nadakip na dayuhan na si Byun Jonghyun, 40-anyos noong nakalipas na Disyembre 18 ng mga tauhan ng BI’s fugitive search unit (FSU) sa Bgy. Balibago, Angeles City.
Ayon kay Tansingco agad na ipatatapon pabalik ng South Korea ang nasabing dayuhan sa bisa ng summary deportation na inilabas ng BI board of commissioners noong Setyembre.
Nailagay na rin ito sa immigration blacklist at pinagbawalan na muling pumasok sa Pilipinas dahil sa pagiging undesirable alien.
Sinabi naman ni BI-FSU acting chief Rendell Ryan Sy, na si Byun ay subject ng Interpol red notice na inilabas noong Abril 2020 kaugnay ng arrest warrant na inilabas ng Seoul central district court kung saan kinasuhan ito ng telecommunications business act.
Sa record ng Korean authorities si Byun ay miyembro ng organized crime syndicate na nakabase sa Manila na nanloloko sa kanilang mga kababayan sa kanilang bansa sa pamamagitan ng pagsasagawa ng voice phishing operations.
Tinatayang nakatangay ito ng mahigit sa 674 million won o katumbas ng kalahating milyong dolyar.
Kasalukuyang nakadetine si Byun sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang inihahanda ang deportasyon nito pabalik ng Korea.
