
NI NERIO AGUAS
Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Australian na wanted ng International Police (Interpol) dahil sa pagkakasangkot sa pangha-hack.
Kinilala ni BI Commissioner Norman Tansingco ang nasabat na dayuhan na si Risteski Borche, 40-anyos, na nagtangkang pumasok sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.
Nabatid na dumating sa bansa ang nasabing dayuhan sakay ng Cebu Pacific flight mula sa Sydney noong nakalipas na Disyembre 21 nang maharang ng Border Control and Enforcement Unit (BCIU).
Sinasabing si Risteski ay isang Australian na may Macedonian descent at isinailalim sa interpol alert.
Sa record, ang naturang dayuhan ay wanted sa Macedonia kaugnay ng illegal na pagpasok sa computer system na paglabag sa Article 251 ng criminal code ng Republic of Macedonia kung saan nahatulan ito ng 4-taong pagkakakulong.
Nagawa nitong makatakas at nagtangkang magtago sa Pilipinas kung saan hindi naman ito nagtagumpay nang maharang ng BI nang dumating sa bansa.
Agad na inilagay sa blacklist order ng BI si Risteski upang hindi na tuluyang makapasok sa Pilipinas.