
Ni NERIO AGUAS
Naglabas ng abiso ang Bureau of Immigration (BI) sa lahat ng foreign nationals na naapektuhan ng flight cancellations noong Enero 1, 2023.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, nauunawaan nito na hindi kagustuhan ng mga dayuhan na nagkaroon ng aberya bunsod ng biglaang kanselasyon at delayed ng biyahe ng mga ito dahil sa naranasang technical issue ng Air Traffic Management Center (AMTC) ng Civil Aviation Authority of the Philippine (CAAP).
Dahil dito, binigyan ng grace period ng BI ang validity ang mga Emigration Clearance Certificate (ECC) ng mga dayuhan.
Ang mga nag-expire ng visa at ECC sa nasabing panahon ay binibigyan ng palugit na panahon hanggang Enero 12, upang payagang mag-rebook ng kanilang mga flight nang walang karagdagang immigration penalties.
“Considering what happened to many foreign nationals who were unable to leave during their scheduled flights, we issued this advisory to assist them in rescheduling, without having to worry about overstaying,” sabi ni Tansingco.
Kinakailangan lamang na ipakita ng mga dayuhan ang kanilang nakumpirmang tiket na nagpapakita ng kanilang nakanselang flight mula Enero 1 o pataas at/o ang kanilang boarding pass.
“This extension is given in the spirit of the hospitality of Filipino people. Those who were affected did not mean to overstay their visas, hence appropriate considerations are given to them,” pahayag pa ni Tansingco.