Sec. Abalos sinsero sa panawagang pagbitiwin ang PNP officials –Sen. Revilla

Sen. Bong Revilla (File photo)

NI NOEL ABUEL

Walang nakikitang masama si Senador Ramon Bong Revilla Jr. sa panawagan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. na magsumite ng courtesy resignation ang lahat ng senior officers ng Philippine National Police (PNP).

Ayon kay Revilla, bagama’t wala namang ebidensya na sangkot ang mga nasabing mga matataas na opisyal ng PNP, hindi dapat na mangamba ang mga ito lalo na at kung walang kinalaman ang mga ito sa illegal drugs trade.

Nabatid na hiniling ni Abalos na magsumite ng resignation ang lahat ng opisyal ng PNP na may ranggong full colonel at heneral kasunod ng ulat na may mga mataas na opisyal na sangkot sa operasyon ng bawal na gamot.

Sinabi ni Revilla na kailangan umano ang hakbanging ito para sa confidence-building sa pagitan ng pamunuan ng bansa, ang PNP mismo at ang publiko na kaisa sa pagpapakita ng tiwala sa pulisya lalo na sa mga opisyal ng PNP.

 “Maganda rin ang naging tugon ng kabuuan ng PNP na kahit ang mismong Chief PNP ay nakiisa na isang sinserong hakbang na mas prayoridad nila ang kaayusan kesa sa kani-kanilang mga sarili” saad pa ni Revilla.

Ayon pa sa mambabatas, ang naturang courtesy resignation umano ay hindi laban sa kabuuan ng PNP kung hindi isang malinis na hakbangin ng DILG na linangin at mapanatili ang tiwala ng publiko sa buong kapulisan.

“The PNP holds its personnel to the highest standards – lalo na yung mga nasa mabababang ranggo na araw-araw nating nakikita. It’s good to show that the organization also holds those in the highest ranks to at least same standards, maganda na makita ‘yan ng publiko,” sabi pa ni Revilla.

Leave a comment