Street dwellers sinagip ni Mayor Malapitan

Ang ilan sa mga street dwellers na sinagip ng Caloocan City government.

Ni JOY MADALEINE

Nagsagawa ng reach-out operations sa iba’t ibang barangay sa North Caloocan ang lokal n pamahalaan para matulungan ang mga street dwellers, lalo na ang mga batang nasa panganib.

Personal na pinangunahan ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan, ang nasabing programa noong nakaraang araw ng Biyernes, Enero 13.

Nabatid na sa datos ng City Social Welfare Development Department (CSWDD), aabot sa 34 indibiduwal mula sa Barangay 170, 174, 175, 177, 178 at 188 ang naasistehan ni Mayor Malapitan.

“Inatasan po tayo sa umpisa pa lang ng termino ni Mayor Along na kalingain ang higit na nangangailangan, lalo na ang gabayan ang mga kabataan at tulungan ang mga street dwellers sa ating lungsod,” sabi ni CSWDD OIC Roberto Quizon.

Ang nasabing mga indibidwal ay binigyan ng tulong medikal, pagsusuri sa antigen, mainit na pagkain at pagpapayo.

Samantala, ang mga menor de edad na babae ay inasistehan ng Social Development Center ng lungsod habang ang mga menor de edad na lalaki ay ipinadala sa Tahanang Mapagpala at Bahay Pag-Asa.

Pinuri naman ni Mayor Along ang CSWDD sa pagsisikap nitong tumulong sa paglilinis ng mga lansangan at pagsagip sa buhay ng mga indibidwal mula sa pinsala at ilegal na droga.

“Nagpapasalamat po tayo sa CSWDD sa pagtugon at pagkalinga sa ating mga kababayan at pagbibigay pagkakataon na mailayo sila sa kapahamakan dulot ng paninirahan sa kalsada at ilegal na droga,” sabi ni Malapitan.

“Asahan ninyong tuluy-tuloy ang ating pagsisikap na yakapin ang kayang yakapin. Sa abot ng ating makakaya, walang maiiwan sa ating pagseserbisyo sa ating mga kababayan,” dagdag pa ng alkalde.

Leave a comment