
NI MJ SULLIVAN
Niyanig ng magkakasunod na paglindol ang lalawigan ng Leyte ngayong araw, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Ayon sa Philvolcs, naitala ang pinakamalakas na lindol sa lakas na magnitude 5.1 dakong alas-8:28 ngayong umaga na natukoy ang sentro sa layong 003 km timog silangan ng Leyte, Leyte at may lalim na 001 km at tectonic ang origin.
Naitala ang intensity III sa Alangalang, Carigara, Babatngon, Barugo, Tacloban City, at Ormoc City, Leyte.
Samantala sa instrumental intensity, naitala ang intensity IV sa Carigara, Leyte; Intensity III sa Alangalang, Ormoc City, Leyte; intensity II sa Calubian, Albuera, Leyte; at intensity I naman sa Borongan City, Eastern Samar; Bogo City sa Cebu.
Ganap namang alas-8:35 ng umaga ay nagkaroon ng magkasunod na aftershocks sa lakas na magnitude 3.2 at magnitude 2.2 sa Capoocan, Leyte, na nasundan muli dakong alas-8:40 ng umaga sa lakas na magnitude 2.4 na natukoy sa 010 km hilaga kanluran ng Kananga, Leyte at may lalim na 001 km.
Wala namang iniulat na napinsala sa nasabing magkakasunod na paglindol.