
NI NERIO AGUAS
Pinayuhan ng Bureau of Immigration (BI) ang lahat ng dayuhan na nasa bansa na nagpaplanong magdiwang ng Chinese New Year sa ibang bansa na agad na iproseso ang kanilang reentry fees sa alinmang tanggapan ng ahensya bago umalis ng Pilipinas.
Ayon kay BI Port Operations Division Chief Atty. Carlos Capulong, inaasahan na ang pagdagsa ng maraming biyahero ang pipila para makakuha ng reentry fees sa immigration cashiers sa departure area sa NAIA terminal 1, 2, at 3.
“A significant number of them are Chinese residents in the country, who are flying out to spend the Chinese New Year abroad. It results to build-up of passengers at the airport, which may be avoided if they secured their permits before going to the airport,” sabi ni Capulong.
Sa ilalim ng Immigration laws, ang mga dayuhan na nakarehistro sa BI, may hawak ng valid immigrant at non-immigrant visas ay kinakailangang kumuha ng exit at re-entry permits sa bawat paglabas ng mga ito ng bansa.
Kasama rito ang mga dayuhang permanent residents, foreign students, at manggagawa na may hawak na valid ACR I-cards.
Ayon pa kay Capulong, ang mga dayuhang aalis ng bansa ay maaaring kumuha ng nasabing permits sa mga palipawan o sa alinmang tanggapan ng BI sa buong bansa.
Paliwanag pa ni Capulong may madali na agad na kumuha ng permit upang mabawasan ang mahabang oras na pagpoproseso nito at mabigyan ng mas maayos na pahinga ang mga pasahero bago bumiyahe ang mga ito.
Dagdag pa ng opisyal, ang BI ay mayroon ding 24/7 one stop shop na matatagpuan sa NAIA terminal 3, kung saan maaaring makakuha ng permit ang papaalis na dayuhan.