
NI NOELABUEL
Nanawagan ang isang kongresista sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na pag-aralan ang Electric Power Industry Reform Act of 2001 (EPIRA) partikular na ang operasyon ng National Power Corporation Small Power Utility Group (NPC-SPUG).
Sa inihaing resolusyon ni Deputy Minority Leader at Basilan Rep. Mujiv Hataman nais nitong malaman ang tunay na dahilan kung bakit kailangang magbawas ng supply ng kuryente ang NPC-SPUG simula Pebrero 1.
Tugon ito ng kongresista sa nararanasan nang power crisis hindi lang sa Basilan kung hindi sa malaking bahagi ng Mindanao at Luzon.
Aniya, sinabi ng NPC-SPUG na ang dahilan ng pagbabawas ay dahil sa kakulangan ng fuel supply at dahil sa nabalam na subsidy payment ng Universal Cost for Missionary Electrification (UCME).
“Matagal na itong problema ng mga island-provinces tulad ng aming lalawigan sa Basilan, lagi na lang nagtitiis ang aming mamamayan sa napaka-unreliable na power service ng NAPOCOR. Naniniwala ako na dapat na itong ireview para masolusyunan,” sabi ni Hataman, dating gobernador ng ARMM.
“Hindi naman tama na tanggapin na lang namin ang aming kalagayan. Baka dapat tingnan na natin ang batas at pag-usapan ang mga solusyon sa problema ng NAPOCOR para hindi na paulit-ulit ang ganitong mga pangyayari,” dagdag pa nito.
Aniya, patuloy na nararanasan ang kakapusan ng supply ng kuryente sa Basilan gayundin sa Sulu, Jolo at Palawan, dahilan upang maapektuhan ang turismo dito.
“Lagi na lang ganito ang problema ng NAPOCOR sa mga SPUG areas nila: mataas ang presyo ng diesel, delayed ang payment sa subsidy ng UCME, may shortage sa fuel. Hanggang ngayon ba hindi pa sila natuto sa paulit-ulit na problemang ganito? Wala silang ready na solusyon tuwing mangyayari ito?” tanong ni Hataman.
“Ni-raise na natin ito noong nakaraang budget hearing. Year in, year out, we hear the same problems. Hindi nagagawan ng paraan, walang permanenteng solusyon. Meanwhile, ang mga mamamayan ang napeperhuwisyo tuwing may kakulangan ang NAPOCOR,” giit nito.
Noong nakaraang taon, nakaranas ng mahabang power outages hanggang total power blackout ang Basilan at iba pang bahagi ng Mindanao kung saan maaaring maulit ito kung hindi maisasaayos ng NPC ang obligasyon nitong P1.2 bilyon sa Petron.
“Pag nawawalan ng kuryente, apektado ang serbisyo ng pamahalaan, nababalahaw ang daloy ng negosyo at tumitigil ang mundo ng mga tao. Ganito kahalaga ang elektrisidad lalo na sa papaunlad na lalawigan tulad ng Basilan. Imbes na umusad tayo pasulong, para tayong naglalakad ng paurong kapag hanggang ngayon ay brownout pa rin ang problema natin,” paliwanag pa ng mambabatas.
“Kaya sana ay masolusyunan na itong problema ng NAPOCOR. And we don’t need band-aid solutions, we need lasting, sustainable steps to plug the holes in the law,” apela pa ni Hataman.
