
Ni NOEL ABUEL
Handa na ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa implementasyon ng Register Anywhere Project ng Commission on Elections (Comelec) upang makatulong na madagdagan ang bilang ng nagpaparehistro para sa susunod na eleksyon.
Isang memorandum of understanding (MOU) ang nilagdaan nina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at Comelec Chairman George Erwin Garcia sa Batasan complex sa Quezon City para sa gagawing voters registration.
“Our involvement in this laudable project is our modest contribution to the efforts of the Comelec to register as many voters as possible,” sabi ni Romualdez.
“We encourage our House members, personnel, and their dependents and relatives, as well as those of attached agencies, and our people in general to take advantage of this offsite or satellite listing project so they could exercise their right of suffrage in future elections,” dagdag nito.
Ipinaalam ni House Secretary General (SG) Reginald Velasco sa mga miyembro ng Kamara, empleyado, kawani ng Kongreso at tauhan ng mga attached agencies ang nasabing gagawing pagpaparehistro sa Batasan.
Sinabi ni SG Velasco na ang pagpaparehistro para sa mga miyembro ng Kamara at mga empleyado at tauhan ng mga ahensya ay sa Enero 25 at 26, habang ang para sa kanilang mga dependent ay sa Enero 27, mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon sa North Wing Lobby ng Batasan complex.
Ayon kay Velasco, ang mga kabataan na may edad 15-anyos hanggang Oktubre 30, 2023 ang maaaring magparehistro.
Sa ilalim ng House-Comelec MOU, bukod sa registration venue at mga katulad na pangangailangan, ang Kamara ay magbibigay ng Covid-19 antigen test para sa 30 empleyado ng Comelec.
Sa bahagi nito, ibibigay ng poll body ang mga kinakailangang tauhan, mga makina sa pagpaparehistro, mga laptop, at iba pang kagamitan.
Tatanggapin ng Comelec ang new registration, reactivation, transfer of registration, transfer from post to local sa kaso ng overseas voters, at pag-update ng records ng senior citizens at persons with disability.
Nagsasagawa ang Comelec ng offsite registration kasabay ng regular listing nito sa lahat ng field offices nito sa buong bansa.
Nagsimula ang pagpaparehistro noong Disyembre 12 at magpapatuloy hanggang sa katapusan ng kasalukuyang buwan.