Wanted na American national arestado ng BI

NI NERIO AGUAS

Bumagsak sa kamay ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang American national na wanted sa bansa nito dahil sa kasong sexual assault sa isang babae tatlong taon na ang nakalilipas.

Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang nadakip ng mga operatiba ng BI’s fugitive search unit (FSU) na si  Calvert Leroy Cummings Jr., 68-anyos, noong nakalipas na Enero 17 sa isang subdibisyon sa Novaliches, Quezon City.

Ayon kay Tansingco ang pag-aresto sa nasabing dayuhan ay kasunod ng paghingi ng tulong ng US authorities sa Manila na dakpin at ipa-deport ito pabalik ng Texas, USA para harapin ang kaso nito.

Nabatid na naglabas ng summary deportation ang BI board of commissioners laban kay Cummings at agad na isasailalim sa immigration blacklist at tuluyang pag-ban na makapasok muli ng Pilipinas.

Sinabi naman ni BI-FSU chief Rendel Ryan Sy, si Cummings ay inisyuhan ng arrested warrant ng korte ng Aransas County, Texas noong Setyembre 2019 dahil sa kasong aggravated sexual assault sa isang babaeng may kapansanan.

Nagawang makatakas ng nasabing dayuhan sa US at tuluyang nagtago sa Pilipinas subalit hindi nagtagal ay nadakip din ito.

Kasalukuyang nakadetine sa BI’s facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig ang dayuhan habang inihahanda ang pagpapatapon dito pabalik ng US dahil sa pagiging undesirable alien.

Leave a comment