
NI NERIO AGUAS
Dalawang dayuhan na nagkunwang mga Filipino ang inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) matapos na tangkaing lumabas ng bansa gamit ang pekeng pasaporte.
Kinilala ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco ang nadakip na mga dayuhan na sina Nong Thi Luyen, 35-anyos, at Hailan Zhang, 36-anyos, pawang mga Vietnamese nationals, na nagkunwang mga Filipino nang tangkaing lumusot sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Nabatid na noong Enero 17 nang unang madakip si Nong sa NAIA Terminal 3 na patungong Saigon sakay ng Cebu Pacific Airways.
Sinasabing nang dumaan sa immigration counter ang dayuhan ay nagpakita ito ng Philippine passport kung saan nagpakilala umano itong Filipino kung saan nang kausapin ay hindi ito makasagot ng Tagalog.
“She later admitted during questioning that she is a Vietnamese citizen and that she last arrived in the country almost two decades ago. Apparently, she wanted to evade overstaying penalties so she resorted to misrepresenting herself,” sabi ni Tansingco.
Natuklasan din ang ginamit na pasaporte ng dayuhan ay pag-aari ng ibang indibiduwal.
Samantala, isa pang Vietnamese national na si Zhang ang dinakip noong Enero 23 matapos na magpakilala rin itong Pinoy nang dumating sa NAIA para umalis patunong Hanoi sakay ng Thai airways flight.
Nabatid na nagpakita ng pasaporte ang dayuhan gayundin ng identification cards at permits na nagsasabing isa itong negosyante sa bansa.
Subalit napuna ng BI personnel ang ilang pahayag ni Zhang kung saan sa huli ay inamin din nitong isa itong Vietnamese citizen.
Nang sumailalim sa BI’s forensic documents laboratory ang Philippine passport ay nakitang tuna yang pasaporte subalit peke ang BI departure stamp.
Kapwa ngayon nakakulong sa BI’s warden facility sa Taguig City sina Nong at Hailan na nahaharap sa kasong paglabag sa Philippine Immigration Act.
Magugunitang kamakailan ay isang Hong Kong-Canadian national ang inaresto ri ng BI matapos na magpakilalang isang Pinoy.
Dahil dito, nagpahayag ng pagkabahala ang BI chief sa dumaraming bilang ng mga dayuhan na nagpapakilalang mga Pinoy.