
Ni NOEL ABUEL
Namahagi ng tulong ang OFW party list group sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na
na pansamantalang nanunuluyan sa Migrant Workers Office (MWO) Shelter o “Bahay Kalinga” sa Surra, bansang Kuwait.
Sa koordinasyon ng OFW party list leader sa Kuwait na si Ms. Honey Sabanal sa MWO Shelter officials, nagbigay ito at si Congresswoman Marissa “Del Mar” Magsino ng mga personal hygiene kits sa 223 OFWs na nananatili ngayon sa loob ng naturang shelter.
Matatandaan na noong mga nakaraang linggo, naging usap-usapan ang kalagayan ng higit 421 na OFWs sa loob ng shelter kung saan sa pamamagitan ng tulong ng Department of Migrant Workers (DMW) ay napauwi na ang mahigit 200 sa mga ito.
“Nagpapasalamat tayo sa ating mga kababayan sa Kuwait na tumulong sa OFW Party List na maihatid ang mga donasyong personal hygiene kits, maging sa mga opisyal ng MWO na nag-facilitate ng ating simpleng proyekto sa shelter,” sabi ni Rep. Magsino.
Sinabi pa ng mambabatas na bagama’t malayo sa Pilipinas ang mga OFWs ay makakatiyak na gagawa ng paraan ang OFW party list para maipadama ang kalinga sa mga ito.